Publiko puwede nang magreklamo laban sa PCSO sa pamamagitan ng Hotline at FB page ng ahensya

Imahe mula sa PCSO
  • PCSO naglunsad ng hotline at Facebook page
  • Tinawag na “Ipaalam Kay GM” ang Facebook page ng ahensya
  • Hinikayat ng PCSO ang masa na gamitin ang Hotline at FB page upang iparating ang mga puna at mungkahi

Naglunsad si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma ng Call and Text Hotline at Facebook page kung saan maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa ahensya.

Imahe mula sa PCSO

Sa pamamagitan ng Facebook page ng PCSO na tinawag na “Ipaalam kay GM” ay maaari nang direktang makipag-ugnayan ang publiko sa ahensya upang maipaabot ang kanilang reklamo, rekomendasyon, suhestyon o ano pa mang bagay na may kinalaman sa operasyon ng PCSO.

Ang Facebook chat ng “Ipaalam kay GM” ay available 24 oras araw-araw (24/7). Maaari ring tumawag sa mga numero ng teleponong Smart: 0998 406 8640 at Globe: 0956 965 4381 tuwing business hours, mula Lunes hanggang Biyernes.

Maaari ding iparating sa ahensya ang anumang hinaing sa pamamagitan ng email address na [email protected].

Hinikayat ni GM Garma ang publiko na gamitin ang hotline at Facebook page na, aniya, ay magandang pagkakataon para sa kanila upang maipaabot ang anumang mungkahi o puna upang lalaong mapahusay ang pagpapatakbo ng PCSO.

Imahe mula sa PCSO

Ang paglulunsad ng hotline at Facebook page ay kasunod ng pagsususpinde ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng gaming schemes ng PCSO tulad ng lotto, Small town lottery (STL), Peryahan ng Bayan at Keno dahil umano sa malawakang korapsyon sa ahensya.

Apat na araw matapos ang order ng Pangulo ay inalis ang suspensyon sa Lotto operations dahil napatunayan na walang anomalyang nagaganap doon. Samantala, ang STL, Peryahan ng Bayan at Keno ay nananatiling suspendido habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon.

Nagpahatid naman ng pasasalamat ang pamunuan ng PCSO sa pagkakaalis ng suspensyon sa operasyon ng Lotto.

Imahe mula sa PCSO
Source :

Facebook, Remate