Pribilehiyo ng mga solo parents, kailangan na bang dagdagan?




Imahe mula sa Pixabay
  • Tinatayang tatlong milyong Pilipino ang itinuturing na mga solo parents
  • Sa ilalim ng Solo Parents Welfare Act of 2000, sila ay may mga pribilehiyong natatanggap
  • May mga nagsusulong na madagdagan ang mga pribilehiyong ito

Bahagi sa plano ng dalawang nagmamahalan ang magkaroon ng mga anak at bumuo ng isang masayang pamilya. Gayunman, dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari, may posibilidad na magkahiwalay pa rin ang mag-asawa o ang mag-partner.

Kung nagkahiwalay na ang mag-asawa o ang mag-partner, karaniwang naiiwan sa isa ang kanilang anak o mga anak. Dahil dito, ang solo parent ay kailangan ng ibayong pagsisikap upang matustusan nang mag-isa ang mga pangangailangan nilang mag-ina o mag-ama.

Imahe mula sa Pixabay

Bilang suporta ng pamahalaan sa mga solo parents sa Pilipinas, nabuo ang Solo Parents Welfare Act of 2000. Sa ilalim ng batas na ito, ang mga solo parents ay may mga nakukuhang pribilehiyo mula sa gobyerno at pribadong sektor.

Educational assistance para sa kanilang mga anak, parental leave, housing benefits, at health services ang mga natatanggap na tulong ng bawat solo parent.

Dahil pinopondohan ng gobyerno, may mga pamantayan para mapabilang ang isang magulang sa ilalim ng Solo Parents Welfare Act. Kabilang na rito ang mga biyuda o biyudo, ang mga may nakabilanggong asawa, at may asawang may pisikal o mental na pagkukulang.

Solo parents ding maituturing ang taong napawalang-bisa o annulled na ang kasal at ang mga inabandona ng asawa o ng kinakasama.

Ang sinumang kasapi ng pamilya na tumatayong breadwinner dulot ng pagyao, pag-abandona, o pagkawala ng mga magulang ay kinikilala rin bilang solo parent. Kasama na rin dito ang sinumang nagsisilbing guardian ng bata.

Ang mga babaeng biktima ng pagsasamantala ngunit pinili pa ring buhayin at palakihin ang naging bunga nito ay natutulungan din.

Upang makatanggap ng mga pribilehiyo, ang bawat kuwalipikadong magulang ay kailangang kumuha ng Solo Parents Identification Card sa City/Municipal Social Welfare and Development Office.

Samantala, nais naman ni Senador Bong Go na madagdagan pa ang mga benepisyo at pribilehiyong natatanggap ng mga solo parents. Dahil dito, ipinasa niya sa Senado ang Senate Bill 206.

Sa ilalim ng panukalang-batas ni Go, ang mga anak ng solo parents ay magkakaroon ng 10% discount sa tuition fee sa mga pampubliko at pribadong paaralan mula elementarya hanggang kolehiyo.

Nais din niyang mabigyan ng 20% discount para sa mga school supplies hanggang sa mag-21 taong gulang ang anak na pinag-aaral.

Sa iyong palagay, nararapat na bang repasuhin ang Solo Parents Welfare Act of 2000?

Source :

PSA, PIA, PhilStar