Pogi problems: Pagiging sobrang guwapo, hindi umano nakatutulong sa career




Imahe mula sa Pixabay
  • Maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa trabaho ang pagiging sobrang guwapo, ayon sa pag-aaral
  • Puwede umano itong maging hadlang sa pagpapasok sa trabaho o sa pag-unlad ng career ng isang lalaki
  • May suhestiyon naman para maiwasan ang hindi tamang panghuhusga sa kakayahan ng mga lalaking ipinanganak na sobrang guwapo
Imahe mula sa Pixabay

Pinoproblema mo rin ba ang iyong pagiging sobrang guwapo?

Ang pogi problems na nararanasan ng mga taong sadyang pinagpala sa kaguwapuhan ay hindi lang pala nagiging hadlang sa pagkakaroon ng mapayapang relasyon o lovelife. Ito rin ay nagkakaroon umano ng negatibong epekto sa pagpasok sa trabaho at sa pag-unlad ng career ng isang lalaki, base mismo sa isang pag-aaral.

Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto mula sa  School of Management ng University College London at University of Maryland sa United States, mas mahirap para sa mga guwapo ang ma-promote o makapasa sa interview dahil nagkakaroon ng hindi kaaya-ayang panghuhusga sa kanila, ayon sa kanilang natatanging itsura.

Para sa mga lalaki, ang pagkakaroon ng magandang mukha o pagiging guwapo ay nagigig dahilan para kuwestiyunin ang kanilang kakayahan lalo na kung kapuwa lalaki rin ang magdedesisyon kung dapat ba silang i-hire o hindi sa kompanya.

“Managers are affected by stereotypes and make hiring decisions to serve their own self-interests so organizations may not get the most competent candidates,” ayon pa sa lead researcher na si Sun Young Lee.

Imahe mula sa Pixabay

Maaari rin umanong rason kung bakit hindi napo-promote ang isang lalaki ay dahil sa pagiging sobrang guwapo nito.

Suhestiyon ni Professor Lee, kumuha na lamang ang mga kompanya ng recruitment agency na siyang mag-aasikaso sa hiring process; para na rin manatiling objective ang pagdedesisyon at pagtanggap sa mga empleyadong sobrang guwapo.