Bayani! Pinoy police officer sa Chicago, sinagip ang isang batang nabulunan

Larawan mula sa Facebook account ni Earol Jesus Butch Mora
  • Isang Pinoy na nagtatrabaho bilang isang pulis sa Chicago ang sumagip sa isang batang nabulunan
  • Off-duty raw ang pulis na si Earol Jesus Mora nang makita ang bata
  • Proud naman ang pamilya ni Mora sa ginawa niyang kabayanihan

Kahit saan ay naipamamalas ng mga Pilipino ang kanilang malasakit sa kapuwa. Kahit nasa ibang bansa, hindi napipigilan ng mga Pinoy na magbigay ng tulong sa oras ng pangangailangan.

Ito ang pinatunayan ng isang Pinoy na nagtatrabaho bilang pulis nang sagipin niya ang isang batang nabulunan sa isang kilalang restaurant sa Chicago, United States.

Hindi raw naka-duty noon ang Chicago police officer na si Earol Jesus Mora nang makita niya ang isang pamilya sa kainang “Shake Shack” sa Old Orchard Mall na nagkakagulo. Nilapitan daw sila ni Mora at doon niya napag-alamang nabulunan ang bata at nahihirapan nang huminga.

Larawan mula sa Facebook account ni Earol Jesus Butch Mora

Dito na raw rumesponde si Mora at kinuha ang bata mula sa ina nitong hindi na malaman ang gagawin upang lapatan ito ng CPR. Tinapik-tapik din umano ni Mora ang likod ng bata hanggang sa lumabas na ang nakasamid na pagkain dito at unti-unti nang bumalik sa normal ang paghinga nito.

Sabi ni Mora sa isang pahayag sa isang local TV channel sa Chicago, na namumutla na raw ang bata kaya hindi na rin malaman ng mga magulang ang gagawin.

Isang panalangin naman daw ang binitawan ni Mora habang isinasagawa ang pagtulong sa bata. Aniya, sana ay masagip niya ang bata at huwag hayaang may mangyaring masama rito.

Proud naman ang mga Kapamilya ni Mora sa kabayanihang ginawa niya na umani na rin ang atensiyon sa media sa USA.

Ibinahagi ng kapatid ni Mora na si Ewalt Bowen Mora ang paghanga sa kapatid sa kanyang Facebook account. Kalakip ang video ng news report tungkol sa kapatid, sinabi niyang proud siya sa kanyang kuya sa pagliligtas sa bata.

“My big bro on ABC News, saving the day!” sabi ni Ewalt sa kanyang post kung saan nagkomento rin ang proud na ina ni Mora na si Ciana Tiu-Mora.

Larawan mula sa Facebook account ni Earol Jesus Butch Mora

Ayon kay Ciana, ipinagmamalaki niya ang anak na noon pa man ay pangarap nang maging pulis at sana ay patuloy raw na gabayan ng Panginoon upang mas marami pang matulungan.

“To my eldest son Earol Jesus Butch Mora! We are so proud of you. That’s your passion. Being a police officer is a very tough job. The very thing I can do is to pray, pray, and pray earnestly for God’s protection, guidance, and may the Lord fulfill His purposes for your life. I love you so much Nak! Missed You!” ang nakaaantig na mensahe ng proud mom na si Ciana para kay officer Mora.