Petsa de peligro ba? May meal plan para d’yan




Imahe mula sa video ng Soxially via Facebook page
  • Budget meal sa pagsapit ng petsa de peligro
  • Ang gipit, sa pagtitipid kumakapit
  • Hindi mahalaga kung ano ang ulam mo, ang mahalaga ay maitawid ang gutom mo hanggang sa pagdating ng susunod na suweldo

Isa sa pinakaaasam ng mga manggagawang Pilipino ay ang pagsapit ng araw ng kinsenas o katapusan ng buwan dahil sa wakas ay muling makakamtam ang bunga ng pinaghirapan sa loob ng dalawang linggo o ‘di kaya ay ng buong buwan.

Subalit karamihan ay tila may halong lungkot na nadarama kapag dumarating na ang araw ng suweldo dahil ayon sa karamihan, dadaan lamang ito sa kanilang mga palad. ‘Ika nga nila, #adulting na kapag may mga bills ka nang dapat bayaran.

Batid ng Facebook page na Soxially ang dilemmang ito ng mga mamamayang Pilipino kung kaya sila ay nag-isip ng mga meal plan na swak sa budget lalo na kapag ikaw ay nasa pesta de peligro na.

Imahe mula sa video ng Soxially via Facebook page

Kung ikaw ay mahilig sa maalat na ulam, pasok sa budget meal ang prawn crackers with one cup of rice. Para mas maging kaaaya-aya ang iyong pagkain, kumuha ka ng ilang piraso, durugin ito, at ibudbod sa ibabaw ng iyong kanin.

Tadaaa! May homemade furikake rice meal ka na! Sosyal,  ‘di ba?

Imahe mula sa video ng Soxially via Facebook page

Kung matamis naman ang hanap mo, lalayo pa ba tayo? Sa isang sachet lang na chocolate powder, busog ka na, iwas energy gap ka pa!

Maaari mo rin itong haluan ng asukal kung gusto mong gawing mas matamis pa ang iyong pagkain, pero hinay-hinay lang. Tandaan, lahat ng sobra ay bawal.

Imahe mula sa video ng Soxially via Facebook page

S’yempre, mayroon ding inihandang budget meal para sa mga nagpapaka-healthy. Kailangan mo lang ng isang pirasong saging katapat ng isang cup ng rice.

Tagtipid ka man, #healthyliving pa rin.

Imahe mula sa video ng Soxially via Facebook page

Natatakam ka ba sa adobo subalit hindi na sapat ang iyong pera para makabili ng karne ng manok o baboy? May budget meal din para diyan kung saan ang iyong mga kailangan ay sa inyong kusina lang matatagpuan.

Kailangan mo lang ng dalawa o tatlong kutsarang toyo at mantika. Haluin itong mabuti sa kanin. Instant meatless adobo meal.

Iclick lamang ang imahe upang makita ang iba pang budget meals mula sa video ng Soxially via Facebook page

Para naman sa mga mahilig o natatakam kumain ng isda, isa lang ang sagot diyan – tuyo. Samahan mo lang ng kamatis at masarap na sawsawan, busog ka na.

Sa pamamagitan ng plating, magmumukhang sosyal ang iyong meal. Gipit ka na pero hindi naman halata. Ayos ba?

Marahil ay nasubukan mo na ring mag-ulam ng kaning sinabawan ng timpladong kape o gatas? O kaya’y magsapaw ng talbos ng kamote sa sinaing at isawsaw ito sa toyo o patis? Baka may natira pang coco jam sa inyong paminggalan, puwede rin ‘yan!

Marami pang mga tipid meals na maaari mong gawin pagsapit ng tagtuyot ng bulsa. Palawakin lamang ang iyong imahinasyon at buksan ang iyong mga mata, tiyak na may makakain ka.