Paggamit ng “kusot”, nabaon na nga ba sa limot?




Imahe mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines
  • Ang kusot ay isang uri ng makalumang kagamitang ginagamit sa pagluluto
  • Mula ito sa pinaglagariang kahoy, niyog, o tuyong ipa ng palay
  • Marami sa kabataan ngayon ang hindi na pamilyar dito

Dulot ng makabagong panahon, makabago na rin ang pamamaraan ng marami sa paggawa ng iba’t ibang mga gawaing bahay tulad ng pagluluto. Halos lahat ay gumagamit ng stove na pinagagana ng gasolina, o kaya naman, electric stove.

Bago pa man mauso ang paggamit ng mga stove at iba pang mga makabagong kagamitan sa pagluluto, nauna na rito ang paggamit ng “kusot”.

Ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Emeniano Somoza, Jr.” sa Facebook page na Nostalgia Philippines ang isang larawan, na tiyak na pangungunutan ng noo ng kabataan sa kasalukuyan.

“Kaway-kaway sa mga nagkandakuba-kuba at nagkandasinghot-uhog na may halong luha dahil sa kagamitang ito.”

Imahe mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines

Marami naman sa mga netizens ang nakahula na ang ipinakikita ng larawan ay “kusot” (ku-sot). Ang ilan sa kanila ay nagbahagi ng kanilang mga gunita at karanasan sa paggamit ng makalumang paraan ng paglulutong ito.

“Iyan ang kinalakhan ko, isang pirasong sinibak na kahoy, luto ang kanin, ulam at makakapakulo ka pa ng tubig sa isang latang siniksik na kusot. Imaginative mga tao noon, wala pang LPG; kusinilya ang mas higher level na panluto noon.”

“Sobrang tipid nito… walang makakatapat sa pangmatagalan na lutuan. Hangga’t hindi bumabagsak ang kusot makakaluto ka ng sinaing, lutong ulam at mainit na tubig.”

“Yung uncle ko sa Cavite, ang gamit naman niya ay ipa ng palay, dahil meron silang palayan, yung tuyong ipa ay ginagawang panggatong sa kalan kaya matipid, ganyan din ang kusot ng kahoy dahil noon may kiskisan kami ng mga tabla kaya yung natistis, ‘yan ay nagiging kusot at matipid ding gamit panggatong sa kalan.”

Imahe mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines

Ang kalan de kusot, o kalan de ipa, ay mula sa pinaglagarian ng kahoy o niyog. Inihuhulma ito sa isang lata kung saan ipinapatong ang lutuan. Sa gitna ng kusot ay may malaking espasyo para makadaan ang apoy. Matagal ang buhay ng kusot na maaaring gamitin sa pagpapakulo ng tubig, panluto ng sinaing, pagluluto ng anumang klase ng ulam, at pag–iihaw n karne at isda.

Source :

Facebook