Pagbuhat sa pangarap: Dating atleta, nagtuturo ng isports na weightlifting sa mga batang lansangan

Imahe mula sa PEP Project Weightlifting | Facebook
  • Isang dating miyembro ng Philippine national team ang nagtuturo ngayon sa mga batang lansangan ng isports na weightlifting
  • Gusto ni Coach Pep na tulungan ang mga bata na bumuo ng kanilang pangarap sa tulong ng isports na ito
  • Tumanggap ito ng iba pang trabaho para patuloy na mapondohan ang training ng mga batang kaniyang tinuturuan

Halos lahat ng atleta ay nangangarap na makapaglaro sa Olympics. Ang iba naman ay nais makapagbigay-pugay sa kanilang bansa sa pamamagitan ng pag-uwi ng gintong medalya sa larangan ng palakasan na kanilang sinalihan.

Imahe mula sa PEP Project Weightlifting | Facebook

Isang dating atleta naman ang hindi pinalad na matupad ang minimithi na makapaglaro sa Olympics. Sa kabila nito ay nagpatuloy siya sa isa pang pangarap na makatulong sa iba gamit ang isports na weightlifting.

Ibinahagi sa GMA News ang kuwento ng dating miyembro ng Philippine National Team para sa weightlifting na si Richard Agosto o kilala rin sa tawag na Coach Pep.

Nagtuturo siya sa mga bata ng tamang pagbubuhat ng barbel.  Ang iba sa mga ito ay dating nangangalakal ng basura na ngayon ay natutong buhatin ang kanilang pangarap na magandang buhay para sa pamilya.

Imahe mula kay @erickadehitta | Instagram

Isa si Ericka Dehitta sa mga batang tinulungan at hinasa ni Richard pagdating sa weightlifting.

Ayon sa ulat, nangangalakal umano noon ng basura si Ericka bago pa man niya nakilala ang coach. Sumali ito sa training kapalit ng libreng pagkain na inaalok ng dating atleta.

Hindi naman nagtagal ay natutunan ni Ericka na hindi lang lakas ng katawan ang basehan sa larangang iyon. Nagsimula itong magpakita ng determinasyon sa larangan ng weightlifting at nakapag-uwi ng medalya sa unang laban nito.

Imahe mula sa PEP Project Weightlifting | Facebook

 Dumating rin ang pagkakataon na nahirapan siyang tustusan ang pagkain at gamit ng mga ito kaya naman naisip ni Richard na humingi ng tulong mula sa CrossFit Gym.

“Instead of just asking for donations from CrossFit boxes, I offered to teach there. It’s a win-win situation. I get to teach them, they get to help us,” ayon kay Coach Pep.

Sa kasalukyan ay dalawa mula sa orihinal na anim na batang kaniyang tinuruan ang napabilang sa national team. Isa na rito si Ericka na natutong pahalagahan ang oportunidad na ibinigay sa kaniya.