Pacquiao nanawagan sa mga gustong bumili ng boxing shorts niya na ginamit laban kay Thurman

Imahe mula sa Charity Buzz
  • Boxing shorts ni Pacquiao na ginamit sa laban kontra kay Thurman isinusubasta
  • Nanawagan si Manny Pacquiao sa mga nais bumili ng boxing shorts niya
  • Ang halagang malilikom sa pagsubasta ng trunks ay gagamitin sa charity works

Nanawagan ang pambansang kamao na si Manny Pacquiao sa mga nais bumili ng boxing shorts niya na ginamit sa WBA welterweight world championship fight nila ni American boxer Keith Thurman noong ika-20 ng Hulyo sa Las Vegas.

Imahe mula sa Facebook account ni Manny Pacquiao

Si Pacquiao ang nanalo sa nasabing laban sa pamamagitan ng split decision mula sa tatlong judges.

Last day na nitong July 31, 2019 ang bidding para sa kanyang white boxing shorts na may mga nakakabit na logo ng mga sponsors niya. Ang halagang malilikom sa pagsubasta ng trunks ay gagamitin sa charity works na pinangungunahan ni Jimmy Kimmel, isang American TV host.

“FINAL DAY to bid on the trunks I wore in my historic world championship victory over Keith Thurman. Proceeds will benefit several deserving ALS-related organizations. Great collector’s item! Thank you, Jimmy Kimmel and Jimmy Kimmel Live to End ALS,” post ni Pacquiao sa kanyang Facebook account.

Sa tatlong organisasyon na tumutulong sa mga taong may Amyotrophic lateral scler0sis (ALS) mapupunta ang halagang malilikom sa subasta ng iba’t ibang collector’s items kabilang na ang boxing shorts ng Pinoy boxing icon.

Imahe mula sa Facebook account ni Manny Pacquiao

Ang mga organisasyon ay ang “Project ALS,” One2One USA Foundation at ALS Association Golden West Chapter.

Ang ALS ay isang uri ng karamdaman kung saan unti-unting nawawalan ng kakayahan na kontrolin ng isang pasyente ang kanyang mga kalamnan.

Nagsimula sa $500  ang bid sa boxing shorts ni Manny Pacquiao noong ika-19 ng Hulyo at umabot na ito ngayon sa $8,500  mula sa bidder na si Smudger72. May posibilidad na madaragdagan pa ang bid bago matapos ang huling araw ng bidding.

Imahe mula sa Charity Buzz