Kapuso Comedy Genius Michael V, tumungtong sa ABS-CBN para sa isang buwang proyekto

Larawan mula sa Instagram account ng MYX at ni Michael V
  • Tumapak sa ABS-CBN ang Kapuso artist na si Michael V para maging guest VJ ng MYX
  • Bahagi ito ng promotion niya ng kanyang comeback movie na “Family History”
  • Isang buwang mapapanood si Michael V sa music channel ng Kapamilya Network

Huwag nang magtaka kung sa mga susunod na araw ay mamataan ang tinaguriang ‘Kapuso Comedy Genius’ na si Michael V. sa bakuran ng karibal na istasyon na ABS-CBN dahil isang buwan siyang mapapanood sa music channel na ‘MYX.’

Sa isang artikulo ng website ng ABS-CBN, inihayag nito na si Michael V, na kilala rin bilang “Bitoy,” ang magiging MYX Celebrity VJ para sa buwan ng Hulyo. Mapapanood si Michael V sa apat na segment ng music channel katulad ng Pop MYX, Pinoy MYX, Mellow MYX, at MYX Backtrax.

Larawan mula sa Instagram account ng MYX

Pagmamay-ari ng broadcasting giant na ABS-CBN ang music channel na MYX na napapanood sa kanilang digital box at cable networks. Sa ABS-CBN studios naman ginagawa ang taping ng MYX kaya masaya raw si Bitoy na muling makatapak sa Kapamilya Network.

Bahagi ang guesting na ito ni Michael V sa MYX bilang promotion ng kanyang pinakabagong pelikula na “Family History” kung saan kasama niya ang Kapamilya actress na si Dawn Zulueta na makailang ulit na ring nag-guest sa GMA Network.

Maituturing na milestone para kay Michael V ang muling makapagtrabaho sa ibang bakuran dahil ayon sa kanya, hindi dapat nalilimitahan ng isang exclusive contract ang kapasidad at oportunidad ng isang artista.

Matatandaang noong 2013, pansamantalang hindi pumirma si Michael ng kontrata sa anumang network dahil ayaw niya raw ma-restrict ang kanyang creativity at limitado lamang ang nakakatrabahong artista.

Gayunman, mas madalas siyang mapanood sa GMA Network kahit walang kontrata dahil narito ang ilang shows na kinabibilangan niya tulad ng “Pepito Manaloto” at ang longest running gag show sa Pilipinas, ang “Bubble Gang” na umeere na sa loob ng higit dalawang dekada.

Nakagawa na rin si Bitoy ng isang show sa TV5 habang ipinalalabas ang kanyang mga show sa GMA Network. Basta raw sinisiguro niyang hindi magtatapat ang kanyang mga shows sa dalawang istasyon.

Larawan mula sa Instagram account ni Michael V.

Ngunit nitong 2018 lamang, muling pumirma si Michael V ng exclusive contract sa GMA Network na naging tahanan na niya sa loob 23 taon.

Maliban sa pagbibida sa “Family History,” si Michael V din ang tumayong direktor at producer ng kanyang comeback movie.