Mga taong mabilis lumakad, mas matagal daw ang buhay kaysa sa mga naglalakad nang mabagal, ayon sa isang pag-aaral

Larawan mula sa Pexels
  • Ayon sa isang pag-aaral, mas matagal daw ang life expectancy ng mga taong mabilis lumakad kaysa sa mababagal
  • Indikasyon umano ito ng mas malusog na pangangatawan
  • Patunay din ang pag-aaral na wala sa timbang ang haba ng buhay ng isang tao

“Ang naglalakad nang matulin, kung matinik ay malalim.”

Kung ang lumang kasabihang ito ay tila mayroong issue sa mga mabilis lumakad, isang pag-aaral naman ngayon ang nagsasabing mas mainam ang lumakad nang mabilis dahil mas matagal umano ang buhay nila kaysa sa mga mayroong kabagalan sa paglalakad.

Isang pag-aaral ng mga eksperto sa kalusugan mula sa United Kingdom ang nagsasabing mas matagal ang life expectancy ng mga taong mabilis maglakad — na isang patunay umano na mas dapat tignan ang physical fitness ng isang tao kaysa sa body mass index (BMI) o timbang nito.

Larawan mula sa Pexels

Ayon sa pag-aaral na ginawa ng isang clinical epidemiologist mula sa University of Leicester sa UK na si Dr. Francesco Zaccardi, ang mga brisk walkers o naglalakad ng 3 milya sa isang oras o nakagagawa ng 100 hakbang kada minuto ay mas mataas ang tsansa na mabuhay nang matagal kaysa sa mga slow pace walkers.

Ginawa nila ang pag-aaral sa walking habits ng 475,000 katao na binubuo rin ng iba’t ibang kategorya ng BMI, kabilang na ang underweight, normal, at obese.

Lumabas sa pag-aaral na mas maikli ang life expectancy ng mga taong mabagal maglakad at underweight na mayroon lamang average na 64.8 years sa mga kalalakihan, habang 72.4 years naman sa mga kababaihan.

Patunay lamang daw ang pag-aaral na ito na wala sa timbang ng isang tao ang indikasyon kung gaano lamang siya katagal sa mundo, kung hindi masusukat sa pagiging fit na nasusukat umano sa bilis o bagal ng isang tao lumakad.

Larawan mula sa Pexels

Dahil dito, mas hinihikayat ni Zaccardi at iba pang mga doktor na ugaliin ang paglalakad dahil magandang ehersisyo ito at nakatutulong sa mas magandang paggana ng ating mga pus0. Hindi umano hadlang kung anong timbang ng isang tao, basta pursigidong mag-ehersisyo at maglakad, posible ang mas mahabang buhay para sa lahat.

Maliban sa pag-aaral na ito, nauna nang naglabas ang isa pang organisasyon sa UK patungkol sa mga taong mabagal maglakad. Ayon sa pag-aaral ng UK Biobank, maaari daw na magkaroon ng k0mplikasy0n sa pus0 ang mga taong makukupad maglakad.