Mga simpleng patakaran at panuntunan, bakit madalas nilalabag at kinalilimutan?




Public Domain Image
  • Madalas labagin ng ilang mga Pilipino ang mga pangunahing patakaran at panuntunan
  • Halimbawa nito ay ang pagtatapon ng basura at pagtawid sa tamang tawiran
  • Marami sa mga batas ay tila walang ngipin at hindi kinatatakutan ng mga tao

Maaga akong gumigising araw–araw upang pumasok sa trabaho. Matapos inumin ang aking tinimplang kape, agad akong umaalis ng bahay upang makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko.

Madadaanan ko ang isang bahagi ng kalsada na medyo masangsang ang amoy. May nakalagay naman na paskil na “Bawal magtapon ng basura”, subalit doon nakatambak ang kung anu-anong kalat, na pinamumugaran na ng mga langaw.

Sa malas–malas pa, kung saan pa nakalagay ang karatulang “Bawal umihi rito”, doon pa ang amoy–mapanghi.

Public Domain Image

Sa loob naman ng jeepney, iba–iba rin ang eksena. May ilang mga “pasaway” na pasaherong nakalilimutang ihinto o itapon ang kanilang hinihithit na sigarilyo kapag sasakay na, lalo pa’t malinaw naman na bawal ang manigarilyo sa loob ng pampublikong sasakyan. Minsan, driver pa mismo ang lumalabag dito.

Napapansin ko rin na minsan, walang habas sa paghinto ang mga driver kung saan may pumarang pasahero na nagdudulot tuloy ng pagkabalam sa kalsada. Marami rin ang mga lumalabag sa mga batas–trapiko, at kapag nasita naman, sila pa ang galit at nagbabantang manakit.

Public Domain Image

Napapailing na lamang ako kapag nasa mall ako, sa mga mall goers na nakita na ngang nasa pula ang stop light sa tawiran, pero dahil may guwardiya naman na aalalay sa kanila at hindi sila huhulihin, ipipilit pa talaga ang pagtawid.

Gayundin sa simpleng paggamit ng escalator. May mga nakatayo sa kaliwang bahagi kung saan naroon ang panutong “Walk”; nakalaan para sa mga taong nagmamadaling bumaba o umakyat.

Public Domain Image

Hindi ko rin maatim ang mga taong walang habas kung dumura o suminga sa mga pampublikong lugar, gayundin sa mga nagtatapon ng mumunting kalat sa kung saan–saan, na malaki na ang hindi magandang epekto sa kapaligiran.

Ang tanong ngayon: mga simpleng patakaran at panuntunan, bakit madalas nilalabag at kinalilimutan?

Pamana ba ito sa atin ng mga dayuhang sumak0p sa atin? Na nawalan tayo ng disiplina dahil ang tingin sa atin ay “Indi0” at walang alam?

Kung sakaling namana nga natin ito sa mga mananak0p, ano’ng ginawa natin upang masolusyunan ang mga bagay na ito?

Sabi nga, tayo raw ay bayan ng mga batas. Kaya lang, sa dami ng mga batas natin, wala itong ngipin. Ibig sabihin, marami sa mga patakaran at panuntunan ay nalalabag dahil hindi “consistent” ang pagpapatupad nito. Minsan, nawawalan tuloy ng takot na sumunod ang mga tao.

Samakatuwid, masasabi nating nasa bawat isa ang susi ng pagbabago, hindi lamang sa gobyerno. Kung magtutulungan ang lahat, mula sa mga nakaupong pinuno na dapat sana’y modelo, hanggang sa mga simpleng mamamayan, tiyak ang progresibong pagtanaw sa kinabukasan ng ating Inang Bayan!