Mga “Hugot” Slogan para sa Buwan ng Nutrisyon, kinaaliwan




Public Domain Image
  • Marami ang naaliw sa “hugot” slogan ng mga mag–aaral hinggil sa pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon
  • Nakasanayan na ang pagsasagawa ng timpalak taon–taon
  • Ang buwan ng Hulyo ay Buwan ng Nutrisyon

Tuwing buwan ng Hulyo ay ipinagdiriwang sa buong Pilipinas, partikular sa mga paaralan, ang “Buwan ng Nutrisyon”. Isinasagawa ito upang ipaalala at ipaunawa sa mga tao, lalo na sa kabataan, ang kahalagahan ng wastong nutrisyon sa katawan. Kailangan ng sapat na nutrisyon upang mapangalagaan ang kalusugan.

Tila naging tradisyon na rin ng ilang mga paaralan na magkaroon ng timpalak sa pagsulat ng slogan hinggil sa tema ng pagdiriwang. Ang islogan ay pagbuo ng dalawa hanggang apat na tugmaang linya na nagpapakita ng kahalagahan ng isang bagay.

Kaya naman, kinatuwaan sa social media ang iba’t ibang mga slogan kaugnay ng pagdiriwang ng buwan ng Nutrisyon, dahil nilangkapan na rin ito ng “hugot” hinggil sa pag–ibig. Para sa taong ito, ang tema ng Buwan ng Nutrisyon ay “Kumain nang Wasto at Maging Aktibo… Push Natin ‘to!”.

Ilan sa mga nakaaaliw na slogan na ginawa ng ilang mga mag–aaral at pinag–usapan ng mga netizens ay “Kumain ng gulay para hindi agad sumakabilang–buhay” at “Kumain ng fish upang matupad ang iyong wish, ‘wag puro kiss upang hindi agad mabuntis”.

Imahe mula sa Facebook account ni Bryan Deo

Nariyan din ang “Kumain ng vegetable para maging jowable”, “Kumain ng ampalaya para matuto kang magpalaya”, “Kumain ng pakbet para di ipagpalit sa mas malapit”, “Kumain ng maraming sitaw para hindi siya bumitaw”, at “Gulay para sa pagmamahal na tunay”.

Imahe mula sa Facebook account ni Joliber Ramos

Samantala, may mga slogan pa rin naman na ginawa ng mga mag–aaral na “matino” at pasok sa tema ng pagdiriwang. Gaya na lamang ng ibinahagi ng isang magulang na netizen na si “Ma. Cecilia Puga” kung saan ipinagmalaki niya ang likhang slogan ng kanyang anak.

“Kumain ng gulay at prutas. Kutis ay gaganda, katawan ay sisigla.”

Imahe mula sa Facebook account ni Maria Cecilia Puga

Kung ikaw ay sasali sa isang slogan–making contest, ano ang magiging  “hugot” slogan mo?