Mga bawal gawin sa Baguio, alamin

Imahe mula sa Wikimedia Commons at Pixabay
  • Ang Baguio City ay kasalukuyang may mga ordinansang nagbabawal sa mga maling gawain lalo na sa mga pampublikong lugar
  • Ang mahuhuli na lalabag sa mga ipinagbabawal na gawain ay may kaakibat na kaparusahan
  • Kung ayaw ng kahihiyan, mga ipinagbabawal ay iwasan

Bilang isang mamamayan ng Pilipinas, tayo ay may mga kaukulang batas na sinusunod para sa kaayusan at kapayapaan ng bawat isa. Sa paglipas ng panahon, unti-unting nagbabago ang interes at pinagkakaabalahan ng mga tao na kadalasan ay nakapagdudulot ng problema, aksidente, o hindi pagkakaintindihan sa iba.

Imahe mula sa Pixabay

Dahil dito, ang lungsod ng Baguio City ay nagsulong ng ilang mga ordinansa ng mga ipinagbabawal gawin lalo na sa mga pampublikong lugar.

Bawal ang tsismis. Pinangunahan ng barangay Upper Rock Quarry ang pagpasa ng isang ordinansa na nagbabawal magkalat ng tsismis at manira ng kapwa. Ayon sa punong barangay, madalas silang makatanggap ng mga sumbong na nagmula lamang sa isang tsismis kung kaya naisipan nilang ipagbawal ang hindi magandang gawain na may karampatang parusa na nagkakahalaga ng P300 hanggang P1,000  sa mga lalabag.

Bawal ang lantarang pagsampay ng damit panloob. Ang Holy Ghost Proper ang nagsulong ng naturang ordinansa sapagkat ang lugar ay malapit sa sentro ng kanilang business district kung saan marami ang mga dayuhan at turistang nagpupunta. Hindi nga naman maganda kung sa iyong pamamasyal ay mga damit panloob na nakasampay ang bubungad sa iyo.

Bawal magmura sa pampublikong lugar. Isa sa mga mahagang ordinansa ng lungsod ay ang pagbawal sa pagmumura sa mga pampublikong lugar lalo na sa mga maraming bata gaya ng paaralan dahil maaaring gayahin nila ang hindi magandang gawain na ito. Kapag nahuli ang isang estudyante na nagmura ay maaari itong masuspinde o ipatanggal sa kanyang paaralan.

Bawal gumamit ng gadgets habang naglalakad. Matapos ang ilang mga insidente sa kalsada gaya ng banggaan dahil sa paggamit ng gagdgets gaya ng cellphone ay ipinagbabawal na ito sa lungsod ng Baguio lalo na sa mga taong naglalakad at tumatawid. Kapag nahuli ay pagsasabihan muna ito bilang warning.

Sa ikalawa namang pagkakahuli ay pagmumultahin na ng P1,000 hanggang P2,500 na may kasamang community service o pagkakakul0ng ng 11 hanggang 30 araw.

Imahe mula sa Pixabay

Bawal sumingit sa pila. Isa sa pagpapakita ng disiplina ng tao ay ang pagpila nang tama at dahil may mga pagkakataong hindi maiwasan na may mga pasaway na sumisingit, ipinasa din ang ordinansa na nagbabawal sa maling gawaing ito. Ang lalabag ay magmumulta ng P1,000 hanggang P3,000.

Bawal ang diskriminasyon base sa kasarian, relihiyon, kapansanan, at katawan. Tila nagiging katuwaan na ng ilang mga Pinoy ang pagbibiro sa kapwa ayon sa pisikal, emosyonal, o mental na kalagayan nito kung kaya isinulong ang pagbabawal sa kahit ano mang klase ng diskriminasyon. Ang mahuhuli ay pagbabayarin ng P1,000 hanggang P5,000 o makukul0ng ng isa hanggang 30 araw bilang parusa.

Bawal ang PDA. Ang Public Display of Affection o PDA ay mahigpit na ipinagbabawal sa Baguio lalo na sa mga lugar gaya ng park. Ang lalabag sa naturang batas ay kailangang magmulta ng P500 hanggang P2,000.

Imahe mula sa Pixabay
Source :

Facebook, GMA, ABS-CBN