Mega transformation: Sharon Cuneta, proud sa kanyang slimmer figure




Larawan mula sa Instagram account ni Sharon Cuneta
  • Masaya si Megastar Sharon Cuneta na nakamit niya ang kanyang dream body
  • Determinasyon at paniniwala raw sa sarili ang naging puhunan ni Cuneta para magbawas ng timbang
  • Alay niya rin daw sa kanyang pamilya at fans ang kanyang weight loss journey

Kahit isa ang Megastar na si Sharon Cuneta sa pinakasikat na artista sa bansa, hindi pa rin ito nakaiiwas sa kritisismo at mga pagsubok sa kanyang karera bilang isang public figure. Isa sa malalaking problemang hinarap niya ay ang labis na pagdagdag ng kanyang timbang.

Ngunit nang muling maging contract star ng ABS-CBN si Cuneta, dito nagsimulang muli ang kanyang motibasyon upang magpapayat bilang paghahanda na rin sa kanyang iba’t ibang proyekto. Nakita ng kanyang mga taga-hanga ang unti-unting pagbawas ni Cuneta ng timbang hanggang sa makamit na niya ang katawan niya noong mas bata pa.

Larawan mula sa Instagram account ni Sharon Cuneta

Sa kanyang Instagram post, proud ang Megastar sa kanyang slimmer figure at transformation na aniya ay pinagpaguran niya nang husto. Pinangarap daw ng aktres ang muling maibalik ang kanyang dating timbang at unti-unti itong natupad.

“Dream. Pray. Believe. Achieve. Dreams come true,” sabi ni Cuneta sa kanyang post kasama ang dalawang larawan mula sa taong 2013 at 2019.

Kapansin-pansin ang malaking nabawas sa timbang ni Cuneta sa dalawang larawan na na-achieve daw niya sa pamamagitan ng paniniwala sa sarili.

Noong 2016, sa isang interview para sa ABS-CBN morning talk show na Magandang Buhay, inilahad ni Cuneta na nakatulong nang malaki ang paniniwalang kaya niyang mag-ehersisyo at iwasan ang pagkain nang marami para makabawas ng timbang. Sa mga panahong ito ay 66 pounds ang nabawas ni Cuneta bilang paghahanda sa kanyang bagong pelikula.

Noong 2018 naman, sinabi ni Cuneta sa kanyang Instagram account pa rin na ngayon ay unti-unti niyang napagtatanto na ang kanyang journey to weight loss ay hindi lamang upang magmukhang payat sa kanyang mga proyekto, kung hindi isa rin paraan para maging malusog at mabuhay nang mas matagal.

Larawan mula sa Instagram account ni Sharon Cuneta

“I want to live a long, healthy life for and with my children and future grandchildren. And for my fans—because I knew I kept failing whenever I tried to lose weight and get back to fighting form,” sabi niya sa kanyang post.

Iniaalay din daw ng Megastar ang kanyang tagumpay sa pagpapapayat sa mga Sharonians na hindi siya iniwan kahit ilang ulit na siyang nasabihang laos na dahil sa kanyang pigura.

Sa kasalukuyan ay wala pang TV projects ang Megastar at katatapos lamang ipalabas ang kanyang latest movie na “Kuwaresma.”