Mayor Isko Moreno, naluha sa interview ni Mike Enriquez sa DZBB




Imahe mula sa video ng GMA News via YouTube channel
  • Isang interview ang muling pinaunlakan ni Mayor Isko Moreno upang magbigay ng update sa kasalukuyang kalagayan ng Maynila
  • Naging emosyonal si Mayor Isko nang banggiting ni Mike Enriquez ang pangalan ni Kuya Germs
  • Si Kuya Germs ang nagsilbing ama ni Mayor Isko sa kanyang pagpasok sa mundo ng show business

Kapansin-pansin ang positibong pagbabago sa unang labingwalong na araw pa lamang ng pamamahala ni Mayor Isko Moreno sa lungsod ng Maynila. Dahil dito, karamihan sa mga Manilenyo ay patuloy na nagbibigay ng pagbati at papuri sa kanilang kasalukuyang alkalde. Masaya rin ang ibang Pilipino mula sa ibang lupalop ng bansa at nangangarap ang marami na maranasan din ang bagong bihis na Maynila.

Imahe mula sa Facebook page ng Super Radyo DZBB 594khz

Sa pagiging matunog ng pangalan ni Mayor Isko nitong mga nagdaang araw ay tila kaliwa’t kanan rin ang mga imbitasyon at interview sa kanya na kanya namang pinauunlakan.

Nitong umaga ng July 18 ay live siyang nakapanayam ni Mike Enriquez sa kanyang radio show sa DZBB na Saksi sa Dobol B.

Sa naturang programa, unang kinumusta ni Mike ang kasalukuyang kalagayan ng Maynila kung saan nabanggit ni Mayor ang kanilang maigting na pagbabantay lalo na sa mga low-lying areas dahil sa pagdating ng tag-ulan sa bansa.

Sa pangkalahatan naman, aminado si Mayor na talagang isang challenging city ang Maynila kaya ganoon na lamang ang kanilang pagnanais na patuloy na maisulong ang nasimulang pagbabago na ayon sa kanya ay normal lang naman dapat na ginagawa ng isang namumuno sa nasasakupang lugar.

Bago matapos ang programa ay pinasalamatan ni Mike Enriquez si Mayor Isko at binanggit na may isang taong labis na natutuwa sa kanyang mga ginagawa. Tila nagtataka ang reaksyon ni Mayor subalit nang sabihin ni Mike na ang taong kanyang tinutukoy ay si Kuya Germs, agad na naging emosyonal at ‘di napigilan ni Mayor ang kanyang luha.

Iclick ang imahe upang mapanood ang video mula sa Super Radyo DZBB 594khz

Si Mayor Isko ay minsan nang nangalakal sa pamamagitan ng pagtutulak ng kariton at pagbobote diyaryo sa murang edad na sampung taong gulang. Naranasan din niyang mangalkal ng tirang pagkain sa basurahan ng mga restaurant upang kanilang makain.

Taong 1993 nang siya ay madiskubre ng isang talent scout at mapabilang sa programang “That’s Entertainment” na pinangungunahan ni German “Kuya Germs” Moreno bilang isa sa mga host. Si Kuya Germs ang nagsilbing gabay at ama ni Mayor Isko sa mundo ng show business kaya ganoon na lamang kalaki ang pagmamahal at utang na loob nito dito.

Source :

Facebook, GMA