Mayor Isko Moreno, nadismaya sa kanyang surpresang inspeksyon sa Quiapo




  • Nagsagawa ng isang surpresang inspeksyon si Mayor Isko Moreno sa Carriedo, Divisoria, at Tondo
  • Nadismaya siya sa mga nakitang basurang pakalat–kalat sa Kalye Carriedo
  • Ipatatawag niya ang police commander ng Plaza Miranda upang pagpaliwanagin hinggil dito

Nadismaya ang alkalde ng Maynila na si Mayor Isko Moreno nang makakita ulit ng mga nakakalat na basura sa Kalye Carriedo sa Quiapo noong Miyerkules ng madaling-araw , Hulyo 24, 2019 matapos ang isinagawa niyang surpresang inspeksyon o pagsisiyasat.

Batay sa panayam sa alkalde, agad niyang ipatatawag ang police commander ng Plaza Miranda Police Community Precinct nitong  Miyerkules ng umaga para pagpaliwanagin sa kanyang nasaksihan. Kung matatandaan, isa ang Carriedo sa mga lugar sa Maynila na unang ipinalinis ni Moreno nang mahalal siya bilang alkalde ng lungsod.

Image capture mula sa Twitter account ni Jekki Pascual

Bukod sa Carriedo, nagtungo rin si Mayor Isko sa Divisoria. Kabaligtaraan sa naging reaksyon sa Carriedo, natuwa ang alkalde dahil nadaraanan na ng mga sasakyan ang isang lane.

Sa Tondo naman, ipinakuha ni Moreno ang mga plate number ng mga nakaparadang traktora sa gilid ng kalsada.

Nagtungo rin siya sa Ospital ng Maynila kung saan ipinangako niyang magpapatayo ng bagong ospital sa parehong compound.

Wala pa mang anim na buwan sa kanyang puwesto, marami nang nagawang clean–up drive sa Maynila si Mayor Isko. Bukod sa mga nabanggit na lugar, isa rin sa mga ipinalinis ng alkalde ang underpass sa Quiapo. Ipinaalis ng alkalde ang mga nagtitinda at mga stalls na nakatayo roon upang lumuwag at madaanan ng mga tao.

Umani naman ng reaksyon mula sa mga netizens ang mga basurang nakita sa Carriedo matapos itong maipalinis ng alkalde.

“Pambabastos na talaga ‘yan… kahit pagbigyan at pakiusapan n’yo ang mga vendors. At ang masakit hindi sila mga botante ng Maynila.”

“Wala talagang disiplina ang mga tao. Kahit anong political will ng isang mayor na gaya ni Yorme Isko, kung balahura ang mga tao, balewala rin.”

“Dapat bumalik sa mga bahay ng mga taong nagkakalat na ‘yan ang mga basurang itinapon nila. Nakakaperwisyo.”

Image capture mula sa Twitter account ni Jekki Pascual

Inaasahang marami pang lugar at kalye sa Maynila ang ipalilinis at ipaaayos ni Mayor Isko sa mga susunod pang araw ng kanyang panunungkulan.