Malinis at maaliwalas na Maynila, magandang panimula sa termino ni Mayor Isko Moreno

Imahe mula sa Facebook account ni BatangMaynila Bok Lopez
  • Magandang Maynila muling ibinabalik ni Mayor Isko Moreno
  • Manilenyo at iba pang mga Pilipino, labis ang tuwa sa bagong mukha ng Maynila
  • Mga opisyal at awtoridad, suportado ang mga plano ni Mayor Isko Moreno

Matagal-tagal na rin nang huling natunghayan ang malinis, maaliwalas, at tila mapayapang siyudad ng Maynila.

Marahil sa dami ng mga taong nakatira at araw-araw na dumaraan o nagpupunta dito kung kaya ganun na lamang ang kalagayan ng makasaysayang lugar sa ating bansa.

Subalit para sa bagong luklok na si Mayor Isko Moreno, walang kahit anong dahilan at suliranin ang uubra sa tamang solusyon at gawa upang manumbalik ang dating siglang matatagpuan sa mahal nating Maynila.

Imahe mula sa Facebook account ni BatangMaynila Bok Lopez

Una sa listahan ni Mayor Isko ang dating marumi at masikip na mga kalsada ng Divisoria. Dahil hindi maayos ang dating kalagayan ng lugar, nagtitiis na lamang ang mga mamimili tuwing nagpupunta rito. Maging ang mga pumapasadang tricycle at jeep ay hirap din bagtasin ang daan dahil sa mga nakaharang na mga paninda o mamimili.

Sa unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan, sinimulan na agad ni Mayor Isko ang clearing operations sa Divisoria.

Umulan man o umaraw, kahit hanggang gabi ay patuloy ang paglilinis at pagsasaayos nila sa tulong na rin ni Manila Police Department Director Vicente Dupa Danao Jr. at PLT Colonel Eric Mendoza.

Imahe mula sa Facebook page ni Isko Moreno Domagoso

Masayang-masaya rin ang mga mamamayan na nakatira at malapit sa Blumentritt dahil kagaya ng sa Divisoria, naging maluwang at maaliwalas na rin ang lugar lalo na sa bandang palengke na talaga namang madalas ay matao at magulo.

Ibinahagi ni Mayor Isko sa kanyang FB page ang isang larawan mula sa Facebook user na si Pearly B. Corpuz kung saan ikinumpara niya ang hitsura ng Blumentritt market noon at ngayon.

Maraming netizen ang bumati at nagpasalamat kay mayor sa magandang pagbabago. “Sana tuloy tuloy na! At sana may suporta ng Manileños,” komento ng FB user na si Paulo Prieto sa naturang post

Imahe mula sa Facebook page ni Isko Moreno Domagoso

Hindi rin magpapahuli ang mga lugar ng Quiapo at Carriedo na ayon sa nakararami ay hindi na nakatatakot daanan lalo na kung sila ay pauwi ng gabi mula sa paaralan o trabaho.

Mensahe ng netizen na si Marty Bautista, “Mayor! Salamat po at lumuwag-luwag at malinis na ang Quiapo / Cariedo ngayon. Godbless mayor.”

Imahe mula sa Facebook page ni Isko Moreno Domagoso

Taga-Maynila man o hindi, marami ang natutuwa sa isinusulong na clearing operations ni Mayor Isko. Hiling ng karamihan ay magtuloy-tuloy na ang kalinisan sa lugar hindi lang sa simula ng kanyang panunungkulan.