Vlogger na si Lloyd Cadena, gumastos ng P100K para mamigay ng 1,000 school supply packs sa mga public school students

Larawan mula sa Instagram account ni Lloyd Cadena
  • Namigay ng 1,000 school supply packs ang vlogger na si Lloyd Cadena sa kanyang dating paaralan
  • Gumastos ang vlogger ng P100,000 para sa charity event na ito
  • Hinangaan ng mga netizens ang ginawang ito ni Cadena at sinabing huwaran siya sa mga kapuwa vloggers

Hindi maitatangging sikat na sikat ngayon, higit sa mga Pilipino, ang vlogging. Maraming Pilipino na ang mayroong sariling YouTube channel at ilan sa mga ito ay pinalad na magkaroon ng milyong subscribers.

Isa sa mga kinatutuwaang vlogger sa YouTube ay si Lloyd Cadena. Bago pa man sumikat ang vlogging sa bansa ay libangan na niya ang paggawa ng comedy videos. Dahil isa na si Cadena sa most followed Filipino vloggers at may malaking kinikita sa paggawa ng YouTube videos, naging tradisyon na rin niya ang paggawa ng ilang charity events, kabilang na ang para sa mga estudyante.

Larawan mula sa Instagram account ni Lloyd Cadena

Kamakailan, ibinahagi ni Cadena sa kanyang YouTube video ang ginawa niyang pamamahagi ng 1,000 school supply packs para mga mag-aaral ng La Huerta Elementary School sa Parañaque kung saan alumnus din ang vlogger.

Namili ang team ni Cadena sa Divisoria ng 5,000 notebooks, isang libong kahon ng krayola, isang libong piraso ng lapis at pambura, kasama ang isang libo ring ruler. Umabot sa P100,000 ang nagastos ng vlogger para mabili ang lahat ng school supplies na kinagabihan rin ay ibinalot niya kasama ang malalapit na kaibigan.

Ipinamahagi ni Cadena ang isang libong school supply packs sa mga grade 2 at 3 students ng La Huerta Elementary School na naging taon-taong tradisyon na rin ng vlogger upang makatulong sa mga mag-aaral.

Ayon kay Cadena, masarap magbahagi ng kanyang mga blessing na natatanggap lalo na’t para sa mga estudyante dahil naranasan niya rin ang hirap ng buhay at malaking kagaanan ang dulot sa isang tao kung mayroong nagbigay ng tulong dito, maliit man o malaki.

Maliban sa mga school supply, noong Mayo ay namigay din si Cadena ng walong flat screen TV sa parehong eskwelahan pa rin bilang pakikiisa sa Brigada Eskwela, kasama ang ilang diksiyonaryo para naman sa kanilang school library.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Marami ang humanga sa charity work na ito ni Cadena at sinabing isa siyang huwaran para sa mga iba pang vlogger sa Pilipinas.

Maliban sa pagiging vlogger, kilala rin bilang isang author, events host, at dating radio jock si Cadena. Mayroon siyang dalawang YouTube channel na parehong mayroon nang milyong subscribers.