Lalaki, gumawa ng standee ng yumaong ina para makasama ito sa kanyang graduation pictures




Larawan mula sa Facebook account ni Paulo John Alinsog
  • Trending ngayon sa social media ang post ng isang bagong graduate na lalaki dahil sa standee ng kanyang nanay
  • Yumao na ang ina ng bagong graduate na si Alinsog kaya naman gumawa na lamang siya ng standee upang kahit papaano ay makasama ang ina sa mga larawan
  • Umantig naman sa maraming netizens ang handog na ito ni Alinsog sa kanyang nanay

Karaniwang iniaalay ng mga anak ang kanilang diploma sa kanilang mga magulang na nagtaguyod at nagsumikap upang magkaroon sila ng maayos na edukasyon. Trending madalas sa social media ang iba’t ibang post na naglalaman ng pasasalamat sa kanilang nanay at tatay na kadalasan ay umaantig sa puso ng mga netizens.

Ngunit kahit na hindi na bago ang ganitong post sa social media, nakuha pa rin ang atensyon ng maraming netizens ng post ng isang bagong graduate na lalaki kung saan kasama niya sa mga larawan ang standee ng kanyang namayapang ina.

Larawan mula sa Facebook account ni Paulo John Alinsog

Viral ngayon sa Facebook ang post ng netizen na si Paulo John Alinsog dahil ginawa niyang posible na makasama sa araw ng kanyang pagtatapos sa kolehiyo ang yumaong ina sa pamamagitan ng pagpapagawa ng standee nito.

Ayon kay Alinsog na nagtapos ng kursong Business Administration sa Lyceum of the Philippines University (LPU), pangarap daw talaga ng kanyang ina na makapagtapos siya ng pag-aaral kaya naman pinagsumikapan niyang matapos ang kanyang kurso.

“Sa pinakamaganda kong nanay! Ma, graduate na panganay mo. Sana happy ka dyan sa piling ni God. Ito ang gusto mo kaya tinapos ko. Mahal na mahal kita,” post ni Alinsog na nagbiro pa na nagtapos daw siya bilang ‘sana cum laude.’

Habang isinusulat ang kuwentong ito, umani ng mahigit 21,000 reactions, 400 comments, at 8,100 shares ang post na ito ni Alinsog.

Larawan mula sa Facebook account ni Paulo John Alinsog

Naantig at natuwa naman ang mga netizens sa post na ito ni Alinsog dahil sa ginawang pag-aalay ng tagumpay sa kanyang ina at kinatuwaan ng marami ang kanyang angking pagkamalikhain at diskarte upang maisama pa rin ang ina sa kanyang once in a lifetime moment bilang isang newly grad.

Ayon sa ilang netizens, sigurado raw na proud ang nanay ni Alinsog saan man ito naroroon ngayon dahil mayroon siyang anak na mapagmahal at masayahin sa kabila ng mga pinagdaraanan sa buhay.