Kathryn Bernardo at Alden Richards, magkasamang napanood sa “Umagang Kay Ganda” at “Unang Hirit”




Imahe mula sa Instagram accounts ng Umagang Kay Ganda at Unang Hirit
  • Magkasama at sabay na napanood sina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa Umagang Kay Ganda at Unang Hirit noong Biyernes, Hulyo 12, 2019
  • Bahagi ito ng kanilang promotion para sa una nilang pagtatambal sa pelikulang  “Hello, Love, Goodbye”
  • Umani ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens

Samu’t sari ang reaksyon ng mga tagahanga at tagasubaybay ng Kapamilya actress at tinaguriang “Queen of Hearts” na si Kathryn Bernardo at si Kapuso actor at “Pambansang Bae” Alden Richards nang magkasama at sabay silang nasilayan sa magkalabang morning shows ng kanilang mga pinagsisilbihang tv networks na “Umagang Kay Ganda” ng ABS–CBN at “Unang Hirit” ng GMA Network, noong Biyernes, Hulyo 12, 2019.

Imahe mula sa Instagram accounts ng Umagang Kay Ganda at Unang Hirit

Ito ay bilang bahagi ng kanilang promotion sa unang pelikulang kanilang pinagtambalan na “Hello, Love, Goodbye” sa ilalim ng Star Cinema, sa direksyon ni Cathy Garcia–Molina. Ang Star Cinema ay sister company ng ABS–CBN na mahigpit na karibal ng GMA Network.

Sa madalang at pambihirang pagkakataon, isang Kapamilya at Kapuso star ang tumawid sa magkalabang bakuran para magpakilig sa kani–kanilang mga tagahanga at tagasubaybay. Malaki ang pasasalamat ng dalawang bigating artista ng Kapamilya at Kapuso dahil sa mga ganitong pagkakataon na sila ay mapagsama sa isang proyekto.

Si Chang Amy Perez ang nagbigay ng panayam sa dalawang bigating artista sa “UKG” habang sa “UH” naman ay sina Luane Dy at Susi Entrata–Abrera. Ang naturang mga panayam ay kinuhanan noong Hulyo 11, 2019.

Imahe mula sa Instagram accounts ng Umagang Kay Ganda

Umani naman ito ng reaksyon mula sa mga netizens.

“Sana laging ganyan. Walang away sa pagitan ng mga tv networks. Good vibes lang. Hiraman ng mga artists. Para maranasan ng bawat isa ang brilyo ng mga artista. Goodluck Kathryn and Alden!”

“Though fan pa rin ako ng AlDub at mas gusto ko pa ring si Maine ang partner ni Alden, happy na rin ako. Ibang timpla ang offer nila! So refreshing!”

“Once in a blue moon lang mangyari na makatapak ang exclusive artist ng isang network sa kalaban nitong network. I hope always ganyan. Why not magsama ang Star Cinema at GMA Films sa paggawa ng isang proyekto? Hindi ba ang ganda noon? Promoting peace and harmony!”

Imahe mula sa Instagram accounts ng Unang Hirit

Mapapanood ang “Hello, Love, Goodbye” sa darating na katapusan ng Hulyo 2019.