Karanasan at edukasyon: Mga aral na matututunan mula kay Mayor Isko Moreno




Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso
  • Pinagaganda at pinababango ni Mayor Isko Moreno ang Maynila
  • Bilang “Batang Tondo” ay ginagawa lamang niya ang mga dapat gawin ng isang Manilenyo
  • Pansariling karanasan at natamong edukasyon ang kabilang sa kaniyang mga puhunan bilang pinuno ng siyudad

Kasalukuyang matunog ang pangalan ni Manila City Mayor Francisco Moreno Domagoso aka Isko Moreno sa larangan ng politika. Ilang araw pa lamang namumuno bilang mayor ng siyudad, hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa para gampanan kung ano ang tunay niyang silbi sa mga Manilenyo.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Isang bukas na libro ang buhay ni Isko kung saan hindi niya kailanman ikinahiya na nagmula siya sa hirap at kung paano siya nagsimulang magtrabaho sa edad na sampu.

Mga personal na karanasan ang pangunahin niyang pinagkukunan ng kaalaman at karunungan. Sa kabila nito, patuloy niyang pinagyaman ang kaniyang mga nalalaman sa pamamagitan pa rin ng edukasyon.

Nang magkaroon ng pagkakataon na makapag-aral sa University of the Philippines, Harvard University, at University of Oxford habang siya ay nasa public service, hindi nagdalawang-isip si Mayor Isko na panghawakan iyon upang mas lumawak ang kaniyang pang-unawa.

Dahil sa mga naging karanasan at natamong edukasyon ni Mayor Isko ay nagiging higit na makabuluhan ang kaniyang mga pananalita. Masasalamin ito sa mga panayam, talumpati, o sa payak na pakikipag-usap niya sa mga Manilenyo.

Sa mga video clip na mapapanood sa kaniyang Facebook page, maraming naging pahayag doon si Mayor Isko na masasalamin kung paano niya tinitimbang ang bawat isyu, suliranin, o sitwasyon.

Hindi rin lamang siya puro dada. Pinakikinggan din niya ang mga nasa kabilang panig at hangga’t maaari ay kinakausap ang mga ito nang mahinahon.

Halimbawa nito ang kung paano niya kinausap ang mga traffic enforcers ng Maynila at ipinaunawa sa mga ito kung ano ang tamang gawin upang maisaayos ang trapiko sa kanilang siyudad.

“Huwag ninyong bigyan ng kahihiyaan ang inyong pamilya. Hindi bale na tayo ay gipit, pero matangos ang ilong natin. Nakapaglalakad tayo nang diretso sa kalsada,” payo ni Mayor Isko sa kaniyang mga tauhan.

Sa isang column ni Mons Romula sa PhilStar, ibinahagi ni Mayor Isko (na noon ay vice mayor pa lamang) ang mga aral na natutunan niya sa buhay.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Isa na rito ang pagsasabi na hindi natin kasalanan kung ipinanganak tayong mahirap. Ngunit kapag nanatili tayong mahirap ay mayroon na tayong pagkukulang doon.

Mayroon din siyang pangaral sa mga kabataan tulad ng mahalin at igalang ang ating mga magulang lalo na kung gusto natin na igalang tayo ng ibang tao.

Sana ay matupad ni Mayor Isko ang kaniyang mga plano para sa Maynila, para sa mga Manilenyo, at para sa mga Pilipino.