Kahanga-hanga: Batang nagbigay galang sa watawat ng Pilipinas kahit mabasa siya ng ulan

Imahe mula kay Rouanne Marie Ablog | Facebook
  • Hinangaan ng netizens ang isang estudyanteng hinayaang mabasa siya ng ulan para magbigay-galang sa watawat ng Pilipinas
  • Papasok na sana ang batang babae sa paaralan nang madatnan niyang nag-uumpisa na ang flag ceremony
  • Sumakto ang kaniyang pagdating sa pagtugtog ng Lupang Hinirang kaya minabuti nitong huminto bilang paggalang sa watawat

Isang estudyante ang agaw-pansin sa social media dahil sa pagpapakita nito ng kaniyang natatanging paggalang sa watawat ng Pilipinas.

Sa Facebook post na ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang Rouanne Marie Ablog noong July 10, makikita na nakahinto ang batang babae sa gitna ng walang silong na daanan habang sumasabay sa pagkanta ng pambansang awit na Lupang Hinirang.

Imahe mula kay Rouanne Marie Ablog | Facebook

“This young girl stopped walking and stood still under the rain during the singing of the Philippine National Anthem. Nice one, ading,” ani Rouanne sa post.

Kinilala ang mag-aaral bilang si Chelsea Angel Rapisura ng Ilocos Sur National High School. Bagama’t umuulan ay minabuti nitong huminto sa kaniyang paglalakad upang magbigay-galang sa watawat.

Hindi rin niya alintana ang bawat patak ng ulan habang ang iba niyang mga kamag-aral ay matiwasay na nakasilong. Makikita rin sa mga larawan ang kanang kamay ni Chelsea na nakapatong sa kaniyang dibdib habang siya ay sumasabay sa pambansang awit.

Dahil dito, marami ang humanga sa ipinakitang paggalang ni Chelsea.

“A good example of being a true Filipino, respect and discipline,” sabi ni AAM.

“Mabuhay ka! Naturuan nang mabuti ng guro na kahit kagatin pa ng langgam ang paa mo basta inawit ang pambasang awit hindi ka kikilos. Mabuhay ka, girl,” ani EC.

“Your parents and your school should be more proud of you, young lady. Kami’y napahanga sa iyong disiplina at sa simpleng pagpapakita ng pagmamahal at respeto sa bansa,” komento naman ni RSE.

Imahe mula kay Rouanne Marie Ablog | Facebook

Para sa karamihan, dapat tularan ang pag-uugaling ipinamalas ng mag-aaral tuwing maririnig ang pambansang awit. Hindi lang umano ito nagpapakita ng paggalang sa watawat kung hindi nagpapamalas ng disiplina at pagbibigay-pugay na rin sa pagiging isang Pilipino.