Jimuel Pacquiao, sinusundan ang mga yapak ng ama sa larangan ng boksing




Mga imahe mula sa Instagram account ni Manny Pacquiao
  • Gusto ni Jimuel Pacquiao na maging boksingero din tulad ng kaniyang ama
  • Mas gusto sana ni Manny Pacquiao na magtapos ng pag-aaral at mag-manage ng kanilang negosyo ang kaniyang panganay
  • Gayunman, dahil nakikita niyang determinado ang anak ay sinusuportahan pa rin niya ang gusto nito

Kung ano ang puno, siya rin ang bunga?

Kung mayroon mang matatawag na “number one fan” ni Manny Pacquiao ay walang iba iyon kundi ang panganay nitong anak na si Emmanuel “Jimuel” Pacquiao Jr. na kasa-kasama na ng pambansang kamao sa mga training.

Imahe mula sa Instagram account ni Marvin Somodio

Nito lamang Martes, Hulyo 9 (Manila time) ay nakipagsabayan si Jimuel sa exercise routine ni Manny sa US bilang paghahanda sa laban nila ni Keith Thurman sa Hulyo 20.

Ayon sa report ng ABS-CBN, iyon din ang unang pagkakataon na nagkasama sa boxing ring ng Wild Card Gym sa Los Angeles ang mag-ama. Siyempre, tinuruan ni Manny ang anak kung paano ang tamang paggalaw ng mga paa at ang tamang anggulo sa pagdepensa.

Sa mga naunang panayam kay Manny, inamin niya na sinubukan na niyang pagsabihan ang panganay na anak na huwag nang sundan ang kaniyang mga yapak bilang boksingero.

Mas gusto sana umano nila ng asawang si Jinkee na mag-focus sa pag-aaral ang kanilang panganay at i-manage ang kanilang mga negosyo.

Sinabi rin ni Manny na kahirapan ang nagtulak sa kaniya kaya siya naging boksingero at iyon ang ginawa umano niyang motibasyon para maging matagumpay ang kaniyang boxing career.

Dahil sa pagsisikap ng ama, hindi mararanasan ni Jimuel at ng apat pa niyang kapatid ang mga hirap sa buhay noon ng kanilang ama.

Sa kabila nito, mas nananaig ang pagiging supportive dad ni Manny lalo na’t nakikita naman niyang determinadong maging propesyonal na boksingero ang anak. Sumasali na rin kasi si Jimuel sa mga amateur boxing kung saan siya ay nanalo na nang ilang ulit.

Imahe mula sa Instagram account ni Jinkee Pacquiao

Samantala, noong Marso ay umamin sina Jimuel at Heaven Paralejo ukol sa kanilang relasyon. Humble, God-fearing, at full of surprises ang paglalarawan ng dalaga sa binata.

Ang 18-taong-gulang na binata ay kaga-graduate lamang sa senior high school sa Brent International School sa Biñan, Laguna.

Si Jimuel kaya ang maging susunod na ‘world boxing champ’ ng Pilipinas?