Isang estudyante sa Iloilo, tinawid ang baha gamit ang dalawang silya




Imahe mula sa video ni Janehisoler Macapaz via Facebook
  • Baha ang isa sa mga naidudulot ng pag-ulan
  • Ang mga estudyante ay kabilang sa mga naaapektuhan ng mga pagbaha
  • Isang high school student mula sa Iloilo ang nagpakita ng diskarte kung paano tawirin ang baha

Maraming bahagi ng ating bansa na sa kaunting ulan lamang ay bumabaha na. At sa tuwing bumabaha, ang mga estudyante ay kabilang sa mga pinakanaaapektuhan. Minsan pa nga ay kailangan talagang ikansela ang klase para sa kanilang kapakanan.

Gayunman, may mga pagkakataon talaga na kailangang pumasok sa eskuwela kung wala namang banta ng panganib o hangga’t hindi pa kinakansela ang klase. Sinanay na rin ng panahon ang mga kabataang Pilipino upang hindi magpatalo sa baha o ulan.

Imahe mula sa Pixabay

“Baha ka lang, Pinoy kami,” wika nga ng ilan. Maraming paraan ang mga kabataan upang hindi magpadaig sa baha.

Isa na rito ang isang estudyante na nakunan ng video ng isang guro na nagpapakita kung paano nito sinuong ang baha.

Ayon sa Panay News Facebook page, isang mag-aaral sa Iloilo National High School ang namataang gumamit ng dalawang silya upang tawirin ang baha. Nakuhanan siya ng video ng guro na si Janehisoler Macapaz.

Sa video, makikita kung paano naging maparaan ang estudyante na ‘maglakad’ sa baha gamit ang dalawang silya na pinagpalit-palit ng puwesto.

Tatayuan niya ang isang silya habang ilalagay naman niya ang isa sa harapan niya upang hakbangan. Paulit-ulit niya itong ginawa hanggang sa makarating na tuyong bahagi ng lupa.

Hinangaan ng mga netizens ang ipinakitang diskarte ng estudyante. Ayon sa isang komento, “Very resourceful na bata. Great future ahead of you young man!”

“Smart! If there’s a will, there’s a way,” papuri ng isa pang netizen.

Ang video ng estudyante ay nagpapaalala lamang sa atin na ang kabataang Pilipino ay maabilidad, matiyaga, produktibo, at hindi ikinahihiyang ipakita ang sariling diskarte upang mapagtagumpayan ang isang maliit o malaking mithiin.

Iclick ang imahe upang mapanood ang video ni Janehisoler Macapaz via Facebook

Ipinakita rin ng estudyanteng iyon kung gaano kahalaga ang edukasyon at kung paano niya isinasabuhay ang mga natutuhan.

Mabuhay ang mga kagaya mong matiyaga at nagsisikap pumasok sa eskuwela umulan man o umaraw; may baha man o wala.

Source :

Facebook