Imee Marcos, pagod na sa mga ‘political rivalries’ kaya naka-yellow gown sa SONA




Mga imahe mula sa Facebook account ni Imee Marcos at Mak Tumang
  • Agaw-pansin ang pagiging ‘dilawan’ ng gown ni Senador Imee Marcos sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte
  • Ang gown ay idinisenyo ng sikat na designer na si Mak Tumang
  • Pagod na raw ang senadora sa mga awayan sa politika

Aquino at Marcos ang dalawang popular na angkan sa larangan ng politika sa Pilipinas. Maituturing din bilang mahigpit na magkalaban sa politika ang dalawang angkan na mauugat pa sa panahon ng Batas Militar sa ilalim ng pamumuno ng dating pangulong Ferdinand Marcos.

Lalo pang humigpit ang awayang Aquino-Marcos nang masawi ang dating senador na si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. noong Agosto 21, 1983.

Imahe mula sa Wikipedia

Mula noon, matinding sama ng loob pa rin ang posibleng nararamdaman ng mga Aquino sa mga Marcos. Patunay na rito ang sinabi noon ni Benigno “Noynoy” Aquino III noong siya ay pangulo pa ng bansa.

Nasabi noon ng dating pangulo na gagawin niya ang lahat ng makakaya upang pigilan ang pagbabalik sa kapangyarihan ng pamilya Marcos.

Ngunit nitong State of the Nations Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagpahiwatig si Senador Imee Marcos na nais na niyang tuldukan ang anumang masamang nakaraan sa pagitan ng kaniyang pamilya at ng mga Aquino.

Dilaw kasi ang kulay ng suot na gown ni Senador Marcos na idinisenyo ni Mak Tumang, ang nagdisenyo rin ng mga gown ni 2018 Miss Universe Catriona Gray.

Ayon sa tweet ng PNA, sinabi umano ni Marcos na pagod na ito sa political rivalries. Nagbiro pa ito na “Di ninyo pansin ‘yung color ng suot ko? I’m wearing yellow for a change,” sabi ng senador.

Nagbiro din ito na dilawan na siya ngayon at sinabing tama na raw ang mga bangayan.

Samantala, ang suot na gown ni Marcos ay tinawag ni Tumang bilang “La Filigrina.” Ayon sa kaniyang Facebook post: “Inspired from the Philippine craft and jewelry, the gown is crafted with sunset ombre “Solihiya” inspired fabric, adorned with ‘Gold Tambourine’ swags and medallion.”

Imahe mula sa Facebook account ni Imee Marcos

“This is a testament of the ever-relevant challenge for all of us to look beyond ‘political’ colors. Rather, be inspired by our forefathers’ courage and bravery which ensue that the light of the sun will always shine bright bringing hope for our beloved country,” dagdag pa ng sikat na designer.

Magkakapatawaran pa kaya ang dalawang pamilyang sinubok ng katatagan sa mundo ng politika?