Ilan sa mga lumang barya, may mataas pa ring halaga lalo na sa mga coin hobbyists

Imahe mula sa Pixabay
  • Ang isang piraso ng lumang barya ay posibleng maipagbili sa mas mataas na halaga
  • Ang mga kolektor ng mga barya ay handang magbayad ng mas malaking halaga para makumpleto lamang ang kanilang mga koleksiyon
  • Ginto ang tingin nila sa mga lumang barya

Barya ang isa sa mga hindi maaaring mawala sa bulsa ng mga Pilipino. Madalas saktong-sakto ang ating mga barya sa bulsa para sa pamasahe o pang-meryenda.

Gayunman, hindi lamang pambili o pambayad ang mga barya. Kabilang din ito sa mga iniingatang yaman ng mga “coin hobbyist” o mga tagatipon o kolektor ng mga barya.

Imahe mula sa Facebook account ni Ipe De Vera

Halimbawa na rito ang coin collector na si Ipe De Vera na nakapanayam sa isa sa mga latest segment ng Kapuso Mo, Jessica Sojo (KMJS).

Ayon sa report, nag-viral umano ang Facebook post ni De Vera ukol sa paghahanap nito ng mga baryang piso, limang piso, at sampung piso na may mga ispesipikong taon kung kailang nag-circulate sa bansa.

Ang mga ispesipikong barya na kaniyang hinahanap ay bibilhin niya ng halagang ₱50 hanggang ₱1000 higit pa.

“Siyempre, kaming mga kolektor kapag nakakita kami ng ganiyan ay ginto ang tingin namin diyan,” paliwanag ni De Vera nang tanungin kung bakit handa siyang magbayad ng mas malaki para sa mga ispesipikong barya.

Sinabi rin ni De Vera na ang mga baryang hinahanap niya ay mga baryang bubuo lamang sa kaniyang mga koleksiyon at wala nang iba pa.

Dahil marami ang kumontak kay De Vera matapos ang kaniyang Faebook post, masaya rin nitong ibinalita na nakompleto na niya ang kaniyang mga koleksiyon.

Sa kabilang banda, hindi hinihikayat ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang publiko na mag-ipon, magtago, o mangolekta ng mga barya sapagkat naaapektuhan nito ang sirkulasyon ng pera sa bansa.

Samantala, may mga lumang barya talaga ang may mataas na halaga na nakadepende sa materyal na ginamit sa paggawa nito. Mataas ang halaga ng mga lumang barya na gawa sa ginto at pilak.

Imahe mula sa Wikipedia/John Alan Elson

Mataas din ang halaga ng mga lumang barya na limitado lamang ang bilang ang ginawa o inilabas para sa sirkulasyon nito.

May mga lumang barya din na mas mataas ang bentahan kung ito ay itinuturing na mga commemorative coins.

Source :

YouTube, Facebook, BSP