Iba’t ibang klase ng Pinoy sa araw ng sahod

Imahe mula sa Pixabay
  • Ang pagdating ng sahod ang isa sa pinakaaasam na araw ng bawat manggagawa
  • Iba’t iba ang responsibilidad ng mga tao at dito nakabase kung saan napupunta ang sweldo
  • Nalalaman kung anong klase ng manggagawa ang isang tao base sa kung ano ang madalas nitong pagkagastusan

Sa panahon ngayon, bawat sentimo na ating kinikita ay sadyang mahalaga, lalo pa at kaliwa’t kanan ang pagtaas ng mga bilihin at iba’t ibang uri ng gastusin.

Karamihan ay mas pinipiling maging praktikal. Subalit mayroon namang ilang mga manggagawa na may ibang pinagtutuunan ng kanilang mga sweldo.

Imahe mula sa Pixabay

Upang mas madaling malaman kung anong klaseng manggagawa ang isang tao, narito ang iba’t ibang klase ng mga Pinoy base sa pagdating ng araw ng sahod:

Ideal Child. Ito ang klase ng mga Pinoy na may listahan na agad ng mga babayarang bills at halaga ng ibibigay sa magulang pagdating ng kanilang sahod. Sila iyong pinakamatipid dahil halos lahat ng sahod nila ay para sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya.

Sweet Lover. Sila iyong matipid sa ibang bagay subalit pagdating sa kanilang asawa o kasintahan ay parang birthday kung magbigay. Hindi sila nauubusan ng gimik at paraan upang maipakita ang kanilang pagmamahal.

Stockholder. Ito naman ang mga Pinoy na mataas ang pangarap at pinaghahandaan ang kinabukasan dahil sa kanilang mga investments sa stocks. Risk mang maituturing, handa silang sumugal mapalago lang ang kanilang pinaghirapan.

Challenger. Sila iyong mga Pinoy na gustong makaipon para sa inaasam na gamit o pangarap na bakasyon kaya kung ano-anong ipon challenge ang ginagawa para sa goals. Paalala lang, mas mainam na mag-ipon ng papel na pera dahil bawal sa batas ang pagtatago ng mga barya.

Advance Thinkers. Sila naman iyong mga taong advance mag-isip; oo, naisip na agad kung saan mapupunta ang sweldo bago pa man dumating sa kanilang mga palad dahil sa dami ng pinagkakautangan at kailangang bayaran. Ang matindi, magbabayad pa lang ng dating utang ay naisip na rin nila agad kung kanino o saan susunod na uutang.

Imahe mula sa Pixabay

Traveler. Ito ang klase ng Pinoy na pagkadating na pagkadating pa lang ng sahod ay naka-book na agad ng ticket para magbakasyon o mamasyal ng weekend. Madalas ay nakabantay sila sa mga website ng airlines at nag-aabang ng piso fare o seat sale.

Foodie. Sila iyong mga Pinoy na araw-araw ay tila naka-milk tea o linggo-linggo ay nasa samgyupsal restaurant, at kulang na lang ay mag-food vlog na sila at magbigay ng review sa dami ng kinainan nila lalo na sa araw ng payday.

Shopaholic. Sila naman iyong mga Pinoy na madalas gumastos sa mga online shopping at nabibiktima ng mga free shipping at freebies. Hindi masama ang gumastos para sa sarili subalit hinay-hinay lang sa pagbili ng mga luho. Isipin muna kung kailangan na ba ang mga ito o maaari pa namang pag-ipunan.

Isa ka man sa mga nabanggit na klase ng Pinoy tuwing pagdating ng sahod, dapat pa rin nating bigyang prayoridad ang mga mahahalagang bagay sa ating pang-araw-araw na buhay.

Source :

Facebook, ABS-CBN