Haka-hakang bahagi ng China Army ang mga Chinese workers sa bansa, wild imagination lang – Esperon

Screenshot mula sa video ng GMA
  • Haka-hakang mga Chinese Army ang ilan sa mga Tsinong manggagawa sa bansa ay wild imagination lang, sabi ni national security adviser Hermogenes Esperon, Jr
  • Sabi ni Esperon, may mabuting naidudulot ang pagdagsa ng mg Tsino sa bansa
  • May mabuti mang naidudulot, ikinababahala pa rin ni Esperon ang pagdagsa ng mga Chinese workers sa Pilipinas

Ang mga pangamba at haka-haka na ang ilan sa mga libo-libong Chinese workers na nasa bansa ay maaaring kabilang sa People’s Liberation Army ng China ay bunga lang ng malikot na imahinasyon, ayon kay National Security Adviser na si Hermogenes Esperon, Jr.

Screenshot mula sa video ng GMA

“May mga nagsasabi na siguro part ‘yan ng Chinese army. I think that’s something na medyo wild imagination ‘yun,” ani Esperon sa isang media forum noong Miyerkules, ika-31 ng Hulyo.

Ang mga nasabing haka-haka at pangamba ay nag-uugat sa pagdagsa ng napakaraming manggagawang Tsino dito sa Pilipinas para magtrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at sa construction industry.

Batay sa mga datos, ang bilang ng mga dumarating na Chinese workers dito ngayon ay na-triple na mula noong 2016.

Karaniwan na ngayon na makita ang isang buong gusali na pawang mga Chinese nationals lang ang mga nakatira.

May mabuti namang naidudulot iyon sa ekonomiya ng komunidad na kanilang pinanunuluyan pero naroon pa rin ang mga iniisip ng marami na naaagawan nila ng trabaho ang mga Pinoy, hindi sila nagbabayad ng buwis at nakagagawa ng mga bagay na labag sa batas.

Screenshot mula sa video ng GMA

Hindi man naniniwala si Esperon na mga sundalo ng China ang ilan sa mga nariritong Chinese workers, itinuturing pa rin daw niya  ang mga ito bilang banta sa seguridad ng bansa.

“I have the tendency to look at it as a threat,” ani Esperon sa pagdagsa ng mga Tsino sa bansa na ang ilan ay mga undocumented.

“I’m on the cautious side because when foreigners, regardless of nationality, come in and their intent is not clear or when some of them are undocumented or have wrong documentation, forged documentation meaning some of them would come in as tourists and yet end up as workers,” paliwanag niya.

Aminado si Esperon na kailangan natin ang maraming turista sa bansa at ang mga oportunidad na dala nila sa mga lokal na negosyo pero, aniya, “we must not let our guards down.”