Habang suspendido Calvin Abueva sa barangay league muna naglalaro, PBA umalma




Larawan mula kay Uno Jacobe
  • Spotted ang suspended PBA player na si Calvin Abueva sa isang inter-barangay league sa Rizal
  • Hindi ito ikinatuwa ng PBA at Phoenix na team ni Abueva sa liga dahil labag daw ito sa rules
  • Maliban sa suspensyon, maaari daw pagmultahin pa si Abueva

Nagsusunod-sunod ang intriga at problema para sa professional basketball player at dating miyembro ng Philippine national team na si Calvin Abueva.

Kamakailan lamang, pinatawan siya ng indefinite suspension ng Philippine Basketball Association (PBA) at ng kanyang koponan sa ligang Phoenix Fuel Masters dahil sa magkakasunod na insidenteng kinasangkutan nito habang nasa loob ng court.

Una niyang nakapalitan ng maaanghang na salita si Maika Rivera, nobya ng kapuwa PBA player na si Ray Parks at nasangkot naman sa sakitan sa pagitan ng TNT Ka-tropa import na si Terrence Jones. Dahil dito, nagpasiya ang commissioner ng liga na si Willie Marcial na huwag munang paglaruin si Abueva.

Larawan mula kay AJ Caliwan

Dahil suspendido, umiikot sa social media ngayon ang mga larawan at video ni Abueva na naglalaro para sa isang barangay basketball league o kung tawagin ay ‘ligang labas’ sa may Montalban, Rizal. Makikita sa mga larawan na suot ni Abueva ang berdeng jersey na opisyal na uniporme ng koponan ng San Isidro.

Gayunman, kahit hindi professional league at maliit na palaro lamang ang sinalihan ni Abueva, hindi pa rin ito ikinatuwa ng Phoenix management at sinabing sakop pa rin ng kanyang kontrata at suspensyon ang hindi paglalaro sa anumang ligang walang pahintulot ng kanyang koponan.

Ayon sa opisyal na pahayag na inilabas ng Phoenix Fuelmasters, dismayado sila sa paglalaro ni Abueva sa ‘ligang labas’ dahil napag-usapan daw nang maging suspendido ang player na gagamitin nito ang kanyang panahon sa pagsasaayos ng kanyang sarili upang maging handa sa pagbabalik nito sa PBA.

The team has spoken to Calvin previously and agreed that the cager will use this idle time to reflect on his character while working out on his own both physically and mentally to ready himself for his eventual return once his suspension is lifted,” ayon sa opisyal na pahayag ng pamunuan ng kompanyang Phoenix.

Dagdag pa ng Phoenix team, maliban sa suspensyon, maaari pa silang magpataw ng multa sa ginawang paglabag na ito ng isa sa kanilang mga ace player.

Larawan mula kay Christian Diaz

Batay sa rule ng PBA, suspendido man o hindi, kailangan pa ring magpaalam ng isang manlalarong nakakontrata kung sakaling kailangan niyang maglaro o sumali sa iba pang mga liga maliban sa PBA.

Nagsimula ang suspensyon ni Abueva noong Hunyo at wala pa ring opisyal na pahayag ang basketball player tungkol sa kontrobersyang kinahaharap.