GrabFood riders, pinatikman ng mga pagkaing madalas nilang ideliver




Imahe mula sa Facebook page ng GrabFood PH
  • Sa oras ng gutom, GrabFood ang sumasalba
  • Katuwang ng GrabFood ang mga riders upang maideliver ang bawat order ng mga customer
  • Dahil sa kanilang dedikasyon sa pagdedeliver, sila ay binigyan ng GrabFood treat bilang pagkilala sa kanilang araw-araw na serbisyo

Simula nang nagkaroon ng GrabFood service ang Grab Philippines, tila isang hulog ng langit ito kung ituring ng nakararami sapagkat ilang pindot lamang sa iyong cellphone at ilang minutong paghihintay, nariyan na sa iyong pinto ang pagkaing inaasam.

Imahe mula sa Facebook page ng GrabFood PH

Subalit minsan ay may mga ilang insidenteng nararanasan ang mga GrabFood riders kung saan ayon sa kanilang mga report at reklamo sa Facebook, may mga customer na nagka-cancel ng kanilang order matapos nilang bilhin ang order ng mga ito. Ang nakalulungkot pa, sariling pera nila ang ipinambibili sa order ng mga customer bilang puhunan at sa delivery fee lamang sila bumabawi ng kita. Minsan wala silang magawa kundi maghanap ng ibang papayag na bumili ng na-cancel na order upang may maiuwi lang na pera.

Bilang pagkilala at pasasalamat sa walang sawang pagde-deliver araw-araw ng mga order upang matugunan lamang ang mga kumakalam na sikmura at labis na pananabik sa paboritong pagkain, dalawang GrabFood drivers ang inimbitahan para sa isang GrabFood treat kung saan titikman at magbibigay komento sila sa mga pagkaing madalas nilang ideliver.

Sina Alexander Gonzales at Priel John Garcia ay parehong mag-iisang buwan pa lamang bilang rider ng GrabFood. Ayon kay Alexander, milk tea ang madalas na pinapa-deliver sa kanya, samantalang food and drinks naman ang kalimitang orderin kay Priel John.

Unang pinatikim sa kanila ang milk tea ng Gong Cha na isa sa mga madalas ipadeliver araw-araw. “Dati dinideliver ko lang ito. Ngayon titikman ko na s’ya,” sambit ni Alexander na halatang excited.

Imahe mula sa Facebook page ng GrabFood PH

Sumunod na pinatikim ang Carnitas (Pork) Burrito ng Army Navy. “Five out of five,” komento ni Priel John na inihalintulad pa ang naturang pagkain sa shawarma.

Ang huling pagkaing inihain ay ang Frankie’s Buffalo Wings. “Ang sarap! Okay ito a,” reaksiyon ni Priel sa unang kagat pa lamang sa pagkain. “Sabi sa’yo , kanin na lang ang kulang nito,” sagot naman ni Alexander sa kanya.

Nang matapos nilang matikman ang tatlo sa mga pagkaing madalas nilang ideliver, hindi maalis sa kanilang mga mukha ang galak na masubukan at matuklasan kung bakit nga ba hinahanap-hanap ng mga customer ang naturang pagkain.

Imahe mula sa Facebook page ng GrabFood PH

“Nakatutuwa talaga. Syempre ako, hindi ko rin naisip, sir, e. Dinedeliver ko lang din siya. Hindi ko rin po inaasahan na matitikman ko siya. Lahat po ng masasarap na pagkaing pinadedeliver natikman po namin, lalo na po itong milk tea,” ayon kay Alexander.

“Sa mga kapwa namin GrabFood rider, ‘wag kayong mapapagod sa trabaho n’yo. Enjoyin n’yo lang, kapag in-enjoy n’yo, makikita n’yo iyong pinaghirapan n’yo sa huli,” payo naman ni Priel John.