‘GirlTrend’ at Kapamilya actress na si Jane de Leon, bagong ‘Darna’ ng Star Cinema




Larawan mula sa Instagram account ni Jane de Leon
  • Ipinakilala na ang aktres na gaganap bilang bagong Darna
  • Ang Star Magic talent at GirlTrend na si Jane de Leon ang bagong tagapagmana ng bato ni Darna
  • Mismong ang mga opisyal ng Star Cinema ang pumili kay de Leon mula sa halos 300 na nag-audition

Matapos bitawan ng dalawang Kapamilya superstars na sina Angel Locsin at Liza Soberano ang bato ng Pinay heroine na si ‘Darna,’ nakahanap na ang Star Cinema ng bagong magbibigay-buhay sa iconic superhero sa katauhan ni Jane de Leon.

Sa isang Facebook post ng Star Cinema, kinumpirma ng movie outfit ng ABS-CBN na ang Star Magic artist at bahagi ng GirlTrends dance group ng noontime show na It’s Showtime, na si de Leon ang napili nilang gumanap na ‘Darna’ mula sa mahigit 300 na nag-audition para sa role.

Larawan mula sa Facebook page ng Star Cinema

Mismong ang managing director ng ABS-CBN films na si Olivia Lamasan ang nanguna sa paglalahad na si de Leon ang hahawak ng bato ni Darna na ididirehe ni Jerrold Tarog na nakilala sa kanyang mga pelikulang ‘Heneral Luna’ at ‘Goyo: Ang Batang Heneral.’

“Unanimous” umano ang naging desisyon ng management maging ng production team ng ‘Darna’ movie sa pagpili kay de Leon bilang bagong Pinay superhero. Ayon kay Lamasan, bagay na bagay raw si de Leon na 20 anyos lamang sa magiging bersyon ng Star Cinema ng ‘Darna’ dahil kailangan daw ng pinaghalong karakter ng pagiging inosente at palaban na parehong mayroon daw sa personalidad ni de Leon.

Sinabi rin ni Lamasan na noong ipakilala si de Leon bilang bahagi ng Star Magic, nakitaan na raw niya ng potensiyal ang batang aktres at sinabing maaari din itong sumali ng beauty pageant.

Maliban sa paglabas sa It’s Showtime, nakasama na rin si de Leon sa ilang top-rating Kapamilya series tulad ng ‘La Luna Sangre’ at ‘Halik’ ngunit supporting roles lamang ang nagampanan niya.

Wala pang opisyal na pahayag si de Leon bilang bagong Darna pero ayon kay Lamasan, nang makausap nila ang aktres, handa raw nitong gawin ang lahat upang mapaganda ang pelikulang taon na ang binibilang ng produksiyon.

Larawan mula sa Facebook page ng Star Cinema

Ito ang magsisilbing biggest project ni de Leon dahil maliban sa ito ang pinakamalaking pelikulang gagawin ng Star Cinema sa kasalukuyan, naging kontr0bersyal din ang role nang bitawan nina Locsin at Soberano na parehong malalaking artista ng ABS-CBN.

Masaya naman ang mga netizens na isang bagong mukha ang lilipad bilang ‘Darna’ na lalong nakadaragdag sa pagkasabik ng mga movie goer na abangan ang nasabing pelikula.

Gayunman, wala pang eksaktong petsa kung kailan ipalalabas ang bagong ‘Darna’ movie.