Estudyante, may nakaaaliw na ‘hugot’ sa pagsagot ng bugtong sa klase




Image capture mula sa Facebook video ni Maeden Azarias Madridejos
  • Kinaaliwan ng netizens ang sagot ng isang estudyante sa kanilang bugtungan habang nagkaklase
  • Nag-viral ang video na in-upload ng kaniyang guro kung saan mapapanood ang nakatutuwang bugtungan
  • Ipinahayag din ng guro ang nakikita nitong pagmamahal ng kaniyang mga estudyante sa edukasyon

Simpleng bugtungan lang sana na nagaganap sa klase ang inaasahan hanggang sa nasundan ng matinding ‘hugot’ mula sa isang mag-aaral ang nakuhanan ng video ng isang guro.

Image capture mula sa Facebook video ni Maeden Azarias Madridejos

Naging viral ang video na in-upload ni Maeden Azarias Madridejos sa Facebook dahil na rin sa kakaibang hugot ng isang estudyante mula sa isang ordinaryong bugtungan habang nagkaklase.

Sa video, mapapansin na nagbibigay ng palaisipan ang guro sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng bugtong.

“Bugtong, bugtong, buto’t balat lumilipad,” sambit ng guro sa unang parte ng video.

Magiliw naman itong sinagot ni Kurt, “Ma’am, saranggola.” Nagpalakpakan ang kaniyang mga kamag-aral dahil tama ang sagot ng batang lalaki.

Sunod naman ay nagtanong muli ang guro. “Bugtong, bugtong, kay lapit-lapit na, hindi pa rin makita ng mata.”

Excited naman itong sinagot ni Justine, “Ma’am, halaga ko po.” Ilang sandali pa ay tumugtog ang nakalulungkot na music sa background at napalitan ng black and white ang kulay ng video na siyang nagdagdag ng dramatic effect sa ‘hugot’ ng estudyante.

Image capture mula sa Facebook video ni Maeden Azarias Madridejos

Marami ang naaliw sa sagot na ito ni Justine habang ang iba ay naman ay naka-relate sa kaniyang sinabi.

“Sino ba kasi yan? Akin na itatag ko para makita halaga mo,” sabi ni VC sa comment section.

“Real talk talaga ‘yun. Hahaha!” sabi naman ni AJEL.

Dahil sa aliw na dulot ng video, umani ito ng mahigit 11,000 likes at 18,500 shares sa Facebook.

I-click ang imahe para mapanood ang video

Ayon naman sa guro na nag-upload ng video, simpleng katuwaan lamang ang ginawa ng kaniyang mga mag-aaral. Iginiit niya na kakikitaan ng pagmamahal sa edukasyon ang mga estudyante at higit na may pagpapahalaga ang mga ito sa pag-aaral.

Source :

Facebook