Endangered species sa Pilipinas, naging inspirasyon sa mga gown illustration




Imahe mula sa Facebook page na The Queens of the Philippines
  • Naging inspirasyon ng isang fashion designer ang mga endangered species na hayop sa Pilipinas sa paglikha ng mga gowns
  • Ilan sa mga hayop na ito ay ang Tarsier, Pawikan, Kalaw, Tamaraw, Dugong, at Philippine Eagle
  • Humanga ang maraming netizens sa mga ilustrasyon, at nanawagan din silang huwag sanang gamitin ang mga tunay na balahibo ng hayop sa pagbuo ng mga aktwal na gown

Natatangi ang likas na yaman ng bansa. Bukod sa iba’t ibang mga puno at halaman, natatangi rin ang mga hayop na sa Pilipinas lamang matatagpuan. Sa kasamaang–palad, marami sa kanila ang idineklarang “endangered species” o nanganganib nang mawala ang lahi dahil sa kapabayaan na rin ng mga tao.

Kaya naman, kinatuwaan ng mga netizens ang mga gown illustrations na hinalaw sa mga endangered species sa Pilipinas, na matatagpuan sa Facebook page na “The Queens of the Philippines”. Batay sa kredito ng naturang page, ang mga larawan ay mula sa isang nagngangalang “Joshua Asuncion”.

“Fashion illustrations inspired by the Philippine Endangered Animals turned into Creative Gown Costumes”

Ilan sa mga itinampok na endangered species ay ang Tarsier, Palawan Peacock Pheasant, Hawksbill Turtle, Tamaraw, Visayan Spotted Deer, Walden’s Hornbill, Dugong, Philippine Pangolin, Mindoro/Negros Bleeding Heart, at Philippine Eagle.

Ang Tarsier ay itinuturing na pinakamaliit na unggoy sa buong daigdig na may habang 12 sentimetro, may malalaking mata at karaniwang matatagpuan sa Bohol. Ang Palawan Peacock Pheasant na matatagpuan sa Palawan ay simbolo ng mga “loyalista” sa intimate partner dahil sila ay monogamous. Tunay na kaakit–akit ang kanilang makukulay na mga balahibo at buntot na animo’y abaniko.

Imahe mula sa Facebook page na The Queens of the Philippines

Ang Hawksbill Turtle naman ay mas kilala bilang “Pawikan” na responsable sa pangangalaga ng malusog na mga bahura o coral reefs at damong–dagat. Ang mga Tamaraw naman o Mindoro Dwarff Buffalo ay madalas nabibiktima ng ilegal na pangangaso. Mas maliit sila at mailap kaysa sa mga kalabaw.

Imahe mula sa Facebook page na The Queens of the Philippines

Ang Visayan Spotted Deer naman ay karaniwang makikita sa mga kagubatan ng Panay at Negros. Nocturnal sila o mas aktibo tuwing gabi. Kilala naman ang Walden’s Hornbill bilang “Kalaw”, na ikalawa sa pinakananganganib na hayop sa buong daigdig.

Imahe mula sa Facebook page na The Queens of the Philippines

Ang Dugong naman ay isang uri ng hayop pandagat na karaniwang naipagkakamali sa mga sirena o mermaid. Ang Philippine Pangolin naman, na matatagpuan sa Palawan, ay nanginginain ng mga anay at langgam. Kakaiba ang balahibo ng Pangolin na tila malalaking palikpik ng isda, o balat ng pinya.

Imahe mula sa Facebook page na The Queens of the Philippines

Naiiba naman ang Mindoro/Negros Bleeding Heart dahil sa hugis–puso nitong balahibo sa bandang dibdib katapat ng puso, kung saan nagmula ang pangalan nito. Ang Philippine Eagle naman, o kilala rin sa taguring “Haribon” (Haring Ibon) ay itinuturing na “Pambansang Ibon” ng Pilipinas.

Imahe mula sa Facebook page na The Queens of the Philippines

Nagbigay naman ng komento rito ang mga netizens.

“Pwede yang maging national costume ng Miss Universe–Philippines!”

“Love the designs but I hope the animals won’t be used as the materials in these gowns.”

“So amazing! Incredible creations. It looks nice & very artistic. but it’s giving me ‘Cruella De Ville’ vibes… Sana no fur, animal skin nor feathers would be used while making these pieces…”

Sunod na inaabangan ng mga netizens ang pagbuo ng mismong mga gowns na maaaring isuot ng sinumang kandidata sa mga international beauty pageants na kakatawan sa bansa.

Source :

Facebook