Disiplina, muling ipinaalala ni Mayor Isko Moreno sa mga motorista




Imahe mula sa Manila Public Information Office Facebook page
  • Nagpaalala si Mayor Isko Moreno sa mga motorista na sumunod sa mga batas trapiko
  • Ipinaalala rin niya na kailangan ang disiplina sa pagkamit ng tunay na pagbabago
  • Ipinahayag niya ito matapos mahuling tumanggap ng suhol ang isang traffic enforcer mula sa isang motorista

Nagmomotor nang walang suot na helmet. Nagmamaneho nang lasing. Tumatawid sa hindi tamang tawiran. Nakalilimutan na ba ng ilang Pilipino na ipamalas ang kanilang disiplina sa daan?

Panibagong aral ang lumabas sa bibig ni Manila Mayor Isko Moreno na maiuugnay sa isa sa mahahalagang katangiang marapat na taglayin ng isang tao para makamit ang mga positibong pagbabago sa buhay — ang disiplina.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno

Kaugnay ito sa isang pangyayari kung saan nahuling tumatanggap ng ‘lagay’ ang isang Manila traffic enforcer mula sa isang motorista. Binigyang-diin ni Mayor Isko na kung gusto talagang maranasan ng mga mamamayan ang magandang pagbabago sa siyudad, kailangang ipamalas ng bawat isa ang disiplina.

“Kung gusto talaga natin magsaayos, siguro ang disiplina nagsisimula rin sa atin. Walang masama na magpaalala. Tayo rin bilang mga mamamayan, konting pagkukusa, pagsunod sa disiplina,” paalala ni Mayor Isko.

Hinihikayat ni Mayor Isko ang mga motorista na huwag nang tangkain na suhulan ang mga traffic enforcers kung sakali mang mahuli dahil sa paglabag sa batas trapiko.

Samantala, sinabi rin ng mayor na ang nasabing traffic enforcer ay may kaso ring kahaharapin dahil sa ilegal na gawain. Matatandaan na sa pagsisimula pa lamang ng panunungkulan ni Mayor Isko ay kinausap na niya ang mga traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na maging tapat sa trabaho.

“Totoo pong may mali ang aming enforcer dahil tumanggap ng pera sa inyo, or what we call the ‘kotong,’” paliwanag pa ng mayor sa isang press briefing.

Pinaalalahanan din ni Mayor Isko ang mga motorista na laging magsuot ng helmet. Kung may angkas, kailangan ding may helmet ito.

Hiniling din niya na makita rin umano sana ng mga motorista na may mali rin sila kaya sila nahuhuli at lalong madadagdagan ang kamaliang iyon kung idadaan pa nila ito sa panunuhol.

Kaya bago umalis ng bahay, baunin natin ang disiplina nang sa gayon ay wala tayong maperwisyong kapuwa habang tayo ay naglalakbay.