Dingdong Dantes at iba pang cast ng Descendants of the Sun remake, puspusan ang training

Imahe mula sa Instagram account ni Dingdong Dantes
  • Philippine remake na Descendants of the Sun, kaabang-abang
  • Nakipagsabayan ang mga cast sa training ng Armed Forces of the Philippines Special Forces
  • Ibinahagi ni Dingdong Dantes sa publiko ang ilang mga paghahandang ginagawa nila mula sa training

Isang kaabang-abang na proyekto na naman ang handog ng GMA-7 dahil bukod sa isa itong Philippine remake ng Korean drama na Descendants of the Sun, ang mga cast na pinangungunahan ni Dingdong Dantes ay puspusan ang paghahanda sa kanilang gaganapang mga roles.

Imahe mula sa Instagram account ni Dingdong Dantes

Sa magkakasunod na Instagram posts, ipinasilip ni Dingdong Dantes kung gaano nila nais gampanan nang maigi ang kanilang mga karakter bilang mga sundalo.

Sa kanyang unang post, makikita ang anim na litrato kasama ang kanyang mga katrabaho sa naturang drama na nakilahok sa mga gawain ng ating mga sundalo bilang bahagi ng kanilang training.

Isang mahaba at makahulugang caption naman ang kanyang sinulat kung saan una niyang pinuri ang kanyang mga kasamahan sa kanilang pagpapakita ng dedikasyon at pagmamahal sa kanilang trabaho anuman ang kailangan nilang pagdaan para dito.

Dagdag pa niya, lubos nilang nirerespeto at kinikilala ang tapat na paglilingkod ng ating mga sundalo para sa bayan, partikular na ang Armed Forces.

Para sa mga aktor, isang malaking responsibilidad ang pagganap sa mga mahahalagang tao sa lipunan kung kaya isang karangalan na sila ay makasama at makasalamuha upang matutunan ang ilang mga bagay tungkol sa kanila.

Imahe mula sa Instagram account ni Dingdong Dantes

Muling nagpost ng lima pang magkakasunod na litrato si Dingdong at isa-isang ipinakilala ang kanyang mga kasama sa drama kung saan kabibiliban at hahangaan sa ipinamalas nilang interes at lakas ng loob.

Una na rito si Lucho Ayala na gaganap bilang si First Sergeant Snoopy. Sumunod naman ang litrato ni Paul Salas bilang si Marty. Kasama sa grupo si Jon Lucas bilang si Staff Sergeant Harry Potter. Kabilang rin si Prince Clemente na gaganap kay First Sergeant Piccolo. At ang panghuling litrato ay si Rocco Nacino bilang si Master Sergeant Wolf.

Imahe mula sa Instagram account ni Dingdong Dantes

Syempre, muling bubuhayin naman ni Dingdong ang karakter ng pangunahing bida na si Captain Big Boss.