Diborsiyo sa Pilipinas, napapanahon na bang ipatupad?

Imahe mula sa Pixabay
  • Muling inihain sa Senado ang panukalang-batas ukol sa diborsiyo sa Pilipinas
  • Dalawang babaeng senador ang magsisilbing tagapagtaguyod nito sa Senado
  • Layunin nilang protektahan ang mga ilaw ng tahanan na biktima ng iba’t ibang pang-aabuso ng kani-kanilang asawa

Tulad ng Vatican, wala pa ring batas sa Pilipinas na kumikilala sa ganap na paghihiwalay ng mag-asawang sumailalim sa matrimonya ng kasal.

Gayunman, may panukalang-batas na inihain sa 17th Congress ukol sa “absolute divorce and dissolution of marriage.” Nangangahulugan ito ng ganap na paghihiwalay ng dalawang pinag-isa ng kasal at maaari silang bumalik sa pagiging single.

Imahe mula sa Pixabay

Sa kabila ng mga pagsisikap na maipasa ito, hindi ito nakapagpatuloy sa Senado. Tulad kasi ng isyu ukol sa same-se× marriage, ang diborsiyo sa Pilipinas ay napakalaking usapin at maaaring maging sanhi ng matinding pagkakawatak-watak sa pagitan ng mga konserbatibo at ng mga may liberal na isipan.

Magiging malaking hamon din ito sa Simbahang Katoliko at iba pang relihiyosong grupo na nagtataguyod sa moralidad ng sambayanang Pilipino.

Ngunit sa pagsisimula ng 18th Congress, ang diborsiyo ay isa sa mga binanggit ni Senator Tito Sotto. Aniya, napapanahon na marahil para pag-usapan ang diborsiyo sa Pilipinas.

Matatandaan na noong 2013, nanindigan si Sen. Sotto na malabong maisabatas sa bansa ang diborsiyo; maging ang same-se× marriage.

Halos anim na taon na ang lumipas, bakit tila nagbago ang isip ni Sen. Sotto ukol sa napakakontrobersiyal na isyung ito?

Ang kagandahan umano sa panukalang-batas ay higit umano itong pumapanig sa mga kababaihan na biktima ng pang-aabuso ng kani-kanilang asawa. Katunayan, muling inihain ito sa Senado nina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Pia Cayetano.

Layunin umano ng panukalang-batas na maibalik ang dignidad at pagkakakilanlan ng mga kababaihang nakaranas ng masamang kapalaran sa pag-aasawa.

Dagdag pa rito, naninindigan ang mga sumusuporta sa panukalang-batas na higit itong makabubuti sa mga mag-asawang wala nang pag-asang magkaayos.

Imahe mula sa Pixabay

Sa kabilang dako, may mga naniniwala na kapag naipatupad ang diborsiyo sa Pilipinas ay magiging sanhi lamang ito ng tuluyang pagkasira ng pamilyang Pilipino.

Kung ikaw ang tatanungin, napapanahon na nga ba para siyasatin at talakayin ang ukol sa diborsiyo sa bansa? Kaya ba nating panindigan ito habambuhay kapag naipatupad?

Source :

Facebook, PNA, Sunstar