#ChangeISKOming: Mga kwalipikadong Manilenyo, makatatanggap ng ₱500 financial assistance kada buwan

Imahe mula sa Manila Public Information Office Facebook Page
  • Dalawang ordinansa na magbibigay ng financial assistance sa mga kuwalipikadong Manilenyo ang ipatutupad sa Maynila
  • Ang mga kuwapikadong Manilenyo ay makatatanggap ng ₱500 kada buwan
  • Ito ang unang pagkakataon na makapagpasa ang Manila City Council ng ordinansa na nalagdaan sa loob lamang ng tatlong linggo

Ang mga estudyante, senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at solo parents ay kabilang sa mga Pilipinong nangangailangan ng pinansiyal na tulong mula sa gobyerno; lalo na kung ang mga ito ay kabilang sa mga mamamayang nasa laylayan ng ating lipunan.

Kaugnay rito, masasabing may malaking impact sa mga Manilenyo ang dalawang ordinansa na nakatakdang maipatupad sa Lungsod ng Maynila.

Imahe mula sa Manila Public Information Office Facebook Page

Nilagdaan na kasi ni Mayor Isko Moreno ang Ordinance No. 8564 na magbibigay ng ₱500 monetary allowance mga Grade 12 students sa mga pampublikong paaralan sa lungsod; at ang Ordinance No. 8565 na magbibigay ng parehong halaga sa mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at solo parents.

Sa ilalim ng Ordinance No. 8564, ang mga kuwalipikadong Grade 12 students ay kailangang may magandang record sa pinapasukang paaralan. Siya ay kailangan ding ipinanganak at rehistradong botante ng Maynila.

Kung wala pa sa legal age ang isang estudyante, kailangan na ang kanilang mga magulang o legal guardian ay rehistradong botante sa lungsod. Mahihinto naman ang financial assistance sa mag-aaral kung ito ay huminto sa pag-aaral.

Sa ilalim naman ng Ordinance No. 8565, ang mga senior citizen, na may gulang na 60 taon pataas, ay bibigyan ng ATM card kung saan idedeposit ang kanilang monthly allowance. Kailangan din na sila ay mga residente at rehistradong botante ng lungsod at kasama sa master list ng Manila Office of Senior Citizen Affairs.

Gayundin ang para sa mga PWDs at solo parents. Bukod sa pagiging residente o rehistradong botante sa lungsod, kailangan ding kasama sila sa master list ng Manila Department of Social Welfare.

Ang dalawang ordinansa ay nilagdaan ni Mayor Isko sa Bulwagang Katipunan ng Manila City Hall noong Hulyo 25. Katuwang niya si Vice Mayor Honey Lacuna sa pagpasa at pagpapatupad ng dalawang ordinansa.

Imahe mula sa Manila Public Information Office Facebook Page

Samantala, binigyang-diin din ng mayor na iyon ang unang pagkakataon na makapagpasa ang Manila City Council ng ordinansa na nalagdaan sa loob lamang ng tatlong linggo.