Bongga! Magarang home theater sa bagong bahay ng Team Kramer, ipinasilip




Larawan mula sa Facebook account ng Team Kramer
  • Ibinahagi ng Team Kramer ang kanilang hi-tech na home theater sa kanilang bagong bahay
  • Si Doug Kramer daw ang nanguna sa pagdidisenyo nito
  • Namangha naman ang mga followers nila sa social media sa bagong entertainment room ng Team Kramer

Noong nakaraang taon ay nagbigay ng magandang balita ang Team Kramer sa kanilang fans at followers sa social media. Nagpapagawa ng bagong tahanan ang pamilya nina Doug at Cheska na bunga ng kanilang paghihirap sa iba’t ibang commitments sa showbiz.

Nitong Hunyo lamang, lumipat na ang Team Kramer sa kanilang bagong bahay. At sa pinakabagong Facebook post ng trending family, namangha ang mga netizens sa isang bahagi ng kanilang bagong ‘headquarters’ — ang kanilang home theater.

Larawan mula sa Facebook account ng Team Kramer

Dahil paboritong bonding moment ng Team Kramer ang panonood ng pelikula, nag-effort talaga ang pamilya sa pagpapaganda ng kanilang family entertainment room na idinisenyo ng padre de pamilya na si Doug.

Ayon sa PBA player, siya raw ang nagdisenyo ng kanilang home theater at isa raw ito sa mga una niyang ginawan ng konsepto nang nagplano silang magpagawa ng bagong bahay.

Mayroon din naman daw home theater ang kanilang dating bahay. Gayunman, mas moderno at ligtas umano ang disenyo ng kanilang brown, black themed family cinema dahil wala raw nakalitaw na kable o anumang bahaging electrical dahil mayroon itong sariling control room.

“You won’t see any equipment in the theater, it’s all in a control room. Everything is controlled via automation. Free from visible wires, equipment. Just the visibility of the speakers, screen, and the wood,” sabi ni Doug sa kanyang Instagram post na ibinahagi rin nila sa Facebook page ng Team Kramer.

Maliban sa automatic na control room, ibinida rin ng Team Kramer ang kanilang 180-inch wide screen, isang Sony Laser 4k native projector, kasama ng 11 surround speakers, dalawang subwoofers, at apat na ceiling Atmos speakers.

Ipinakita rin ni Doug sa kanyang post, ang naging konstruksiyon ng kanilang ‘dream home theater’ kung saan magaganap ang mas marami pang movie nights ng kanilang pamilya.

Larawan mula sa Facebook account ng Team Kramer

Nagbiro din si Doug na kapag mag-iimbita siya ng kanyang mga kapamilya at kaibigan, maniningil daw siya ng 200 pesos sa mga ito.

Umani ng positibing komento ang bagong bahaging ito ng kanilang bahay at sa kasalukuyan ay mayroon nang 42,000 reactions, 2,000 comments, at halos isang libong shares.

Naging sikat ang Team Kramer sa social media dahil sa mga nakatutuwang videos at larawan nila na naging depinisyon ng ‘family goals’ ng maraming Pilipino.