Binebentang bahay sa Tagaytay na nagkakahalaga ng P38-M, may kotseng freebie

Imahe mula sa Facebook page na The Staycationist
  • Isang bahay sa Tagaytay ang ibinibenta na nagkakahalaga ng milyon-milyon dahil sa ganda at lawak nito
  • Kotse ang ibibigay na freebie ng may-ari sa bibili ng naturang bahay
  • Ang bahay ay maaari lamang bilhin in cash

Sa paglipas ng panahon, hindi na ganun kadali ang magkaroon ng sariling bahay at lupa dahil sa ibang mga bagay na dapat ikonsidera gaya ng halaga at lokasyon nito.

Nagiging mas praktikal na rin ang mga Pinoy lalo na pagdating sa mga bilihin at iba pang mga gastusin.

Subalit paano kung ang binebentang bahay ay ubod ng ganda at may freebie pang kotse, magdalawang-isip ka pa kaya kung kaya mo namang bilhin?

Imahe mula sa Facebook page na The Staycationist

Ibinahagi sa isang post ng Facebook page na The Staycationist ang mga larawan ng naturang bahay kung saan rush na ibinebenta ng may-ari. Ang bahay ay matatagpuan sa Splendido Subdivision sa Tagaytay na talaga namang agaw-pansin dahil sa ganda ng tanawin na sasalubong sa ‘yo.

Ang bahay ay ipnatayo noong taong 2018. Ito ay may tatlong palapag, lower ground, ground level, at upper ground. Sa kabuuan, ang sukat ng bahay ay nasa 297 square meters na floor area at 485 square meters na lot area.

Sa lower ground matatagpuan ang multi-purpose room na maaaring gamitin bilang guest room. Naroon din ang entertainment room na may sariling toilet at bathroom, veranda, maid’s room, utility area, driver’s room, car garage na kasya ang dalawang sasakyan, at daanan papuntang garden.

Sa ground level naman matatagpuan ang master’s bedroom na may sariling toilet, bathroom, at balcony. Ang pangalawang kuwarto ay may sarili ring balcony, samantalang ang pangatlong kuwarto ay napalilibutan ng glass windows. May hiwalay na toilet at bathroom para sa dalawang kuwarto. Ang pang-apat na kuwarto naman ay semi-furnished at may sariling toilet at bathroom.

Ang kusina ay matatagpuan sa upper ground floor kung saan may built-in microwave, countertop stove with oven, energy saver fridge, breakfast nook counter, at dining area. Naroon din ang living room, powder room, balcony, foyer, garden, at isa pang garage.

Imahe mula sa Facebook page na The Staycationist

Maraming netizens ang interesado at nagbigay ng komento sa naturang post. May mga nakikipagnegosasyon sa presyo, ang iba naman ay nagtatanong kung bakit ibinebenta ng may-ari ang magandang bahay.

Ayon sa admin ng Facebook page marami ang bahay ng may-ari at hindi naman ito natitirahan kaya ibinebenta na lang.

Sa lahat ng nabanggit na amenities, mas napukaw ang atensiyon ng nakararami sa freebie nitong kotse. Ito ay isa lang namang limited edition na Mustang GT sports car at isa sa dalawang mayroon sa buong Asya.

Dreamhouse talaga. May dream car pa!

Imahe mula sa Facebook page na The Staycationist