Achieved! Baseco Mangrove Nursery transformation matapos makuhanan ng 30,000 kilos ng basura

Larawan mula sa Facebook page ng PRRC
  • Sa pangunguna ng PRRC, nalinis na ang Baseco Mangrove Nursery na kilala rin bilang Baseco Beach
  • Sa dalawang linggong paglilinis, halos 30,000 kilong basura ang nakuha
  • Ikinatuwa naman ng mga netizens ang transformation ng Baseco Beach

Buo ang loob ng pamahalaan na unti-unting ibalik ang angking ganda ng mga anyong tubig na tuluyan nang sinira ng polusyon. Kamakailan, naging maugong ang paglilinis sa tourist destinations na Boracay at Manila Bay.

Maliban sa mga ito, may bagong tagumpay na naman ang mga tagapagtanggol ng kalikasan dahil malinis nang muli ang Baseco Mangrove Nursery o mas kilala rin na Baseco Beach na matatagpuan sa Lungsod ng Maynila.

Larawan mula sa Facebook page ng PRRC

Iniulat ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa pamamagitan ng isang Facebook post ang naging malaking ‘transformation’ ng Baseco Mangrove Nursery na pinagtulung-tulungan ng tinatawag nilang PRRC River Warriors.

Makikita sa mga larawan sa post na mula sa Baseco Beach na wala halos makitang tubig dahil sa tambak na basura, ngayon, kulay asul na tanawin na ang muling makikita dahil nahakot na ang 1,000 sako ng basura na tumitimbang umano ng mahigit 30,000 kilos.

Inumpisahan ng PRRC ang paglilinis sa Baseco Beach noong Hulyo 8 at tumagal ng mahigit dalawang linggo upang makuha ang lahat ng basurang nakatambak sa tubig ng nasabing bahagi ng Manila Bay sa bandang Tondo, Maynila.

Ayon pa sa PRRC, dahil malinis na ngayon ang Baseco Mangrove Nursery ay makapagtatanim na ang ahensiya kasama ng ilan pang private organization ng mga bakawan upang makatulong sa pagpapanatili ng kalinisan ng tubig, gayundin ang maiwasan ang pagbaha lalo’t higit na napapadalas na ang pagdating ng mga pag-ulan sa bansa.

Larawan mula sa Facebook page ng PRRC

Maliban sa cleanup drive na isinagawa, tiniyak ng PRRC na ipagpapatuloy nila ang pagmo-monitor sa Baseco Beach upang mapanatili ang kalinisan nito. Naglagay na rin sila ng mga net traps sa kinaroroonan mismo ng mangrove nursery upang hindi mapunta ang mga kalat na tinatangay kapag high tide o mataas ang tubig.

Umani naman ng papuri mula sa netizens ang malaking pagbabago sa bahagi ng Baseco Beach na matagal ding nakilala bilang maruming bahagi ng mga katubigan sa Maynila. Umaasa ang marami na mapapanatili ang kaayusan sa Baseco Beach tulad ng mga nilinis na anyong tubig sa Pilipinas.