Asong mukhang tigre, imbis na katakutan ay kinaaaliwan




Imahe mula sa Facebook account ni Renz Degala Dariagan
  • Ang aso ang isa sa mga pinakamaamo at pinaka-loyal na alagang hayop
  • May mga asong nakatatakot lalo na kapag ikaw ay tinahulan o bigla na lang hahabulin subalit tila mas nakatatakot kung ang asong makita mo ay mukhang tigre
  • Ang asong tigre na kinatakutan man ng ilan, nagdulot pa rin ng katatawanan sa karamihan

Sabi nila “a dog is a man’s best friend,” subalit paano kung ang asong makita mo sa kalsada ay hindi ang iyong inaasahan. Tatakbo ka ba o gugustuhin mo pa ring makipagkaibigan?

Imahe mula sa Facebook account ni Renz Degala Dariagan

Kumakalat ngayon sa Facebook ang mga larawan ng asong hindi pangkaraniwan ang hitsura. Ito ay kulay brown na may mga itim na linya sa kanyang balat kaya sa unang tingin ay iisipin mong isa itong tigre.

Ang mga larawan ay ibinahagi ng Facebook user na si Renz Degala Dariagan, isang seaman na bumiyahe pa-Vietnam. Ayon sa kanyang caption, “Kung sino man may-ari ng aso na ito, please lang muntik na akong atakihin sa bangs, paki-kulong naman.”

Talaga nga namang mapapahinto ka kapag nakasalubong mo ang asong tulad nito dahil gayang-gaya ang hitsura ng isang tigre dahil sa mga guhit na itim sa kanyang katawan. Subalit base sa mga larawan, mukha namang maamo ang aso at walang kaalam-alam na siya ay bigla na lang kinatatakutan. Hindi rin tiyak kung ito ba ay natural o kinulayan lamang.

Ang mga naturang larawan na tila nakuha lamang ng nagbahagi mula sa internet ay naghatid naman ng good vibes, ‘ika nga,  at  talaga namang kinaaliwan ng mga netizens ang aso na tila may tiger breed. Komento ni Zephs Migzkth, “boss, matapang yan. Dogger tawag d’yan, crossbreed ng dog at tiger hahaha.”

Imahe mula sa Facebook account ni Renz Degala Dariagan

Ibinahagi naman ni Girlie Atlas Plaridel sa kanyang account ang katuwaan post na ito at umabot na sa 34,000 likes at reactions, 8,000 comments, at mahigit 45K shares. Ayon sa mga netizens na nagkomento, nais rin nilang gawing tigre ang kanilang mga alagang aso.

Paalala lamang na maging maingat kung gagawin ito bilang katuwaan upang maiwasan na maging sanhi ng kapahamakan ng iba.

Sa totoo lang, mayroon din naman tayong mala-tiger breed dito sa Pinas na salamat na lang at hindi nakakasindak ang itsura at napakaamo pa.

Imahe mula kay Mommyjoyce