Ang Apat na Dakilang Obra Maestrang Filipino na itinuturo at sinusuri sa Junior High School

Public Domain Image
  • May apat na obra maestrang Filipino na pinag–aaralan sa asignaturang Filipino sa Junior High School
  • Ito ay ang Ibong Adarna, Florante at Laura, Noli Me Tangere, at Filibusterismo
  • Naipakilala ang mga akdang pampanitikan na ito sa Pilipinas noong panahon ng mga Espanyol

Kilala mo ba ang mga tambalang Don Juan at Donya Maria Blanca, Florante at Laura, Aladin at Flerida, Crisostomo Ibarra/Simoun at Maria Clara, at Elias at Salome?

Kung natatandaan mo pa sila, bago ka pa man kiligin sa mga patok na tambalan ngayon gaya ng AlDub, JaDine, LizQuen, at KathNiel, sila muna ang nagparanas ng walang hanggang pagmamahalan, sa kanilang panahon. Sila ang mga tauhang bagama’t likhang–isip lamang ay tila mga tunay na taong humihinga at hindi nagmamaliw.

Ang apat na dakilang obra maestrang patuloy na binabasa, sinusuri, at pinag–aaralan ngayon sa Junior High School ay ang Ibong Adarna, Florante at Laura, Noli Me Tangere, at El Filibusterismo. Nagpalit man ng kurikulum ang sistema ng edukasyon sa bansa, patuloy pa rin itong pinag–aaralan sa asignaturang Filipino.

Para sa Ikapitong Baitang, nararapat basahin ang koridong Ibong Adarna, na hindi malaman kung sino ang may–akda. Pamana ng mga Espanyol ang ganitong uri ng genre. Pumapalibot ang kuwento nito sa pakikipagsapalaran ng tatlong magkakapatid na prinsipe na sina Don Pedro, Don Diego, at Don Juan.

Public Domain Image

Nagkaroon ng malalang karamdaman ang kanilang amang hari na si Haring Fernando, at ang tanging makagagaling lamang sa kanya ay ang awit ng Ibong Adarna, na nananahan sa punong mahiwaga na tinatawag na Piedras Platas, na matatagpuan naman sa Bundok Tabor.

Para naman sa Ikawalong Baitang, nariyan naman ang awit na Florante at Laura. Isinulat ito ni Francisco “Balagtas” Baltazar. Kuwento ito ng pakikipag-ibigan at pakikipagsapalaran ni Florante, anak ni Duke Briseo, na dakilang tagapayo ni Haring Linceo, na siyang ama ni Laura at hari ng Albanya.

Ipinakita sa naturang awit na posibleng magkasundo ang mga tao, magkakaiba man ng kinabibilangang relihiyon at paniniwala. Tinulungan ni Aladin, na isang Moro o Muslim, si Florante na isang Kristiyano, habang nakatali sa puno ng higera sa kagubatan.

Public Domain Image

Sino naman ang makalilimot sa dalawang dakilang nobela ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo? Magkarugtong ang dalawang nobela, dahil pagpapatuloy ito ng buhay ni Crisostomo Ibarra, na nagbalik sa katauhan ni Simoun, upang balikan ang mga kaaway na naging dahilan ng mga kasawian sa kanyang buhay.

Tinalakay sa dalawang nobela ang mga suliraning panlipunang dulot ng katiwalian sa simbahan at pamahalaang Espanyol, na hanggang sa kasalukuyan ay sinasabing patuloy pa ring namamayani.

Public Domain Image

Ang mga obra maestrang ito ay tatak ng lahing Pilipino na nararapat maipagmalaki saan man sa mundo!