Ang Walastik na Bahay ni Ninay

Public Domain Image

Para kay Ninay na anim na taong gulang, ang kanilang bahay ang pinakamagandang bahay sa buong daigdig.

Saan ka nga ba nakakita ng bahay sa buong mundo na kaya mong puntahan ang mga lugar na gusto mong pasyalan, tulad ng Luneta Park, at iba pang mga lugar sa Maynila?

Bata pa lamang ay kasa–kasama na si Ninay ng kanyang nanay. Pambihira ang nanay ni Ninay. Kaya nitong dalhin ang kanilang buong bahay, araw–gabi, kahit saan man. Anumang oras na gusto nilang magtungo sa Divisoria, nakararating kaagad sila. Kapag gusto niyang tanawin ang dapit–hapon sa Manila Bay, sa ilang mga padyak lamang ng kanyang Nanay ay naroon na sila.

Natatangi ang bahay nina Ninay. Kahit kailan, hindi siya nainggit sa bahay ng kanyang mga kalaro. Sa halip kasi na nakapatong sa lupa o semento, may tatlong gulong ito. Ito ang sikreto kung bakit nakakapunta sila sa malalayong lugar ng kanyang Nanay. May bahay na, may sasakyan pa sila!

Public Domain Image

Kapag umaga, matiyaga nilang nililinis ang kanilang bahay. Imamaneho ito ng kanyang Nanay malapit sa poso na madalas nilang pinaghihintuan. Hihilamusan ng kanyang Nanay ang katawan ng kanilang bahay, matiyagang iis–isin ang mga sulok–sulok nito, at eeskobahin ang mga gulong. Syempre, si Ninay ang tagasaboy ng tubig.

May kalakihan ang kanilang “kwarto” kaya kasyang–kasya sila sa loob nito. Kapag gabi, magkatabi at magkayakap sila ng kanyang nanay habang tinatanaw ang madilim na kalawakan ng gabi, at pinanonood ang pagkutitap ng mga bituin. Sabi ng nanay ni Ninay, isa raw sa mga bituing iyon ay ang kanyang tatay.

Kapag umuulan, nakikisilong sila sa isang tindahan ng mga kung ano–anong bagay kapag sarado na ito. Bago ito magbukas kinabukasan, kailangang naialis na nila ang kanilang bahay sa tapat nito.

Gustong–gusto ni Ninay kapag kumakain sila ng kanyang nanay. Masarap kumain ng nakakamay, at masarap ang lasa ng pagkain kapag nakalagay sa dahon ng saging.

Sa loob ng kanilang bahay, iniingatan nila ang isang malaking karton, na medyo luray–luray na. Dito nakatago ang kanilang mahahalagang gamit at damit: ang kanyang supil na napulot nila sa basurahan, ang kanyang dalawang bestida na hindi niya malaman kung paano napunta sa kanya, at mga laruan na kadalasan ay bigla na lang ibinibigay ng kanyang nanay.

Pagtitinda ng gulay ang kanilang ikinabubuhay, at kasa–kasama nila ang kanilang munting bahay. Kapag tanghali at hapon, ang kanilang kwarto ay nagsisilbing lalagyanan ng kanilang mga paninda. Siya, si Ninay, ay sumasayaw–sayaw pa upang makatawag–pansin sa mga mamimili.

Public Domain Image

Hanggang sa isang araw, sinabi ng kanyang nanay na papasok na siya sa paaralan. Tuwang–tuwa si Ninay. Isinukat pa niya ang damit na kulay–puti na ang laki–laki sa kanya, gayundi ang katerno nitong palda. Uniporme raw ang tawag doon, sabi ng kanyang nanay.

Sa unang araw ng pasukan, hinatid siya ng kanyang nanay sa paaralan. Nagtaka siya kung bakit hindi ginamit ng kanyang nanay ang kanilang bahay sa paghatid sa kanya. Sa isip–isip niya, baka pagod ang kanyang nanay, o baka naman sa pagsundo sa kanya nito imamaneho ang kanilang walastik na bahay.

Hanggang sa uwian, sinundo siya ng kanyang nanay, subalit hindi pa rin nito dala ang kanilang bahay. Inusisa niya ito. “Nasaan po ang ating bahay?”

“Naku, Ninay, hindi pwede rito ang ating bahay. Baka magalit ang mga guro dahil bawal ang maingay.”

Sa araw–araw na pagpasok ni Ninay, lagi silang naglalakad ng kanyang nanay. Sa paaralan, nagkaroon si Ninay ng mga kaibigan. Hanggang sa naisipan niyang ikwento sa mga ito ang tungkol sa kanilang walastik na bahay. Manghang–mangha naman ang kanyang mga kaklase at kaibigan sa kanyang paglalarawan.

Dahil dumating ang pagkakataong kaya nang magtungo at umuwi ni Ninay mag–isa, isinama niya ang kanyang mga kaibigan upang ipakita ang kanilang walastik na bahay. Sabik na sabik ang kanyang mga kaibigan.

“Nasaan ang inyong bahay, Ninay?”

“Iyan! Iyan ang aming walastik na bahay!”

Itinuro ni Ninay ang kanilang bahay na may tatlong gulong, na may kwarto sa gabi, at lalagyan ng kanilang mga paninda sa umaga.

Public Domain Image

Nagtawanan ang kanyang mga kaibigan.

“Hahahahaha… hindi naman iyan bahay, Ninay. Pedicab iyan!”

“Diyan ka ba nakatira Ninay? Kawawa ka naman!”

Umiyak nang umiyak si Ninay, at isinalaysay ang mga sinabi at ginawa ng kanyang mga kaibigan, pagdating ng kanyang nanay. Para sa kanya, pinakamagandang bahay ang kanilang bahay sa buong Pilipinas, sa buong daigdig.