Happy Mom Andi Eigenmann ibinahagi ang mga pinagdaanan niya sa pagsisilang sa ikalawang supling

Larawan mula sa Instagram account ni Andi Eigenmann
  • Isinilang na ng aktres na si Andi Eigenmann ang kanyang ikalawang anak na si Baby Lilo
  • Ayon kay Eigenmann, kahit ikalawang anak na niya ito ay hindi pa rin naging madali ang kanyang panganganak
  • Buti na lamang daw at nandiyan ang kanyang partner at panganay para palakasin ang kanyang loob

Mas pinili man ng aktres na si Andi Eigenmann ang isang simpleng buhay sa probinsya, hindi pa rin naman niya nalilimutang i-update ang kanyang fans sa mga kaganapan sa kanyang buhay, kabilang na ang pagsilang niya sa ikalawang anak.

Sunod-sunod ang post ni Eigenmann sa kanyang Instagram account tungkol sa kanyang bagong baby na pinangalanang Keliana Alohi Eigenmann Alipayo o baby Lilo. Hindi man agad nakapagbahagi ng kanyang karanasan dahil noong Hulyo 23 lamang siya nagsilang, ngayon naman ay proud mommy ang aktres sa kanyang ikalawang anak.

Larawan mula sa Instagram account ni Andi Eigenmann

Sa isang larawang ibinahagi ni Eigenmann sa kanyang Instagram account kasama ang partner na si Philmar Alipayo, panganay na anak na si Ellie, at si baby Lilo, sinabi niya na ang panganganak muli sa pamamagitan ng C-section ay hindi madali, ngunit kinaya niya dahil sa suporta ng pamilya.

“Having gone through this process before didn’t make anything easier or less scary (specially because this was not how I had thought my second birth story would be,” panimula ni Eigenmann.

“But with these two (plus the rest of my fam) by my side through everything, it was easier to trust that everything will be alright,” dagdag pa ng dating Kapamilya actress.

“True enough, birth is beautiful no matter how it happens. I couldn’t be any more grateful that our baby girl came out healthy and safe.”

Nagbahagi rin si Eigenmann ng larawan ng kanyang dalawang prinsesa at ng ilang update tungkol sa kanya matapos ang C-section na delivery.

Bago iluwal si Baby Lilo, nais sana ni Eigenmann na sa pamamagitan ng normal delivery niya isilang ang ikalawang anak, ngunit hindi pumayag ang kanyang doktor sa ideyang ito.

Larawan mula sa Instagram account ni Andi Eigenmann

Nakatanggap naman ng pagbati si Eigenmann mula sa kanilang mga kaibigan, fans, at mga kapamilya, kabilang ang mga kapuwa aktres na sina Megan Young, Sylvia Sanchez, at Carla Abellana.

Noong Pebrero, inanunsyo ni Eigenmann ang kanyang pagdadalantao sa partner at surfer na si Alipayo.

Si Ellie naman ay anak ni Eigenmann kay Jake Ejercito na anak ng dating pangulo at dating Manila mayor Joseph Ejercito Estrada.