Alaala ng pagkabata: Nakapaglunoy ka na ba sa baha?




Imahe mula sa Nostalgia Philippines/Public Domain Image
  • Ang paliligo sa tubig–baha ay alaala ng pagkabata
  • Marami sa mga tao noon ang nakaliligo pa sa baha dahil hindi pa naman masyadong marumi ang paligid
  • Ngayon, maaaring hindi na ito posible dahil maaari itong magdulot ng malubhang karamdaman

Kapag “may edad” ka na, hindi mo maiiwasang balikan ang nakaraan. Ang panahon ng kabataan. Mga panahong wala pa masyadong problema. Mga panahong ang iintindihin mo lamang ay kung ano ang ulam mamayang tanghali o gabi, kung paano makakatakas sa pagtulog sa hapon, at kung ano ang magiging laro ng mga kaibigan sa kinabukasan.

Isa pa sa mga “alaala ng pagkabata” ang paglunoy o paliligo sa ulan, lalo na sa baha. Marami sa atin, aminin man natin o sa hindi, na nasubukan na ang paglangoy sa baha matapos ang malakas na pag–ulan. Libreng swimming pool, wika nga.

Kaya naman, marami ang nakarelate sa larawang nakapost sa “Nostalgia Philippines” kung saan makikita ang paliligo sa baha ng ilang mga bata.

“Magkakaalaman na! Sinong nakaranas na nito noon? Ako, sa dagat lang.”

Imahe mula sa Nostalgia Philippines

Marami naman sa mga netizen ang naka–relate dito.

“Yung iba sarap na sarap sa paliligo, ito naman si Utoy ay naglalaglag ng Yellow Submarine.”

“Noon sa pier 18 kami naliligo… pagsisid at paglutang mo, may lumulutang na ebak sa harap mo… hehehe.”

“Noong 1960’s sa Sampaloc, Manila na malapit sa University Belt, umaabot ang tubig–baha ng lagpas bewang.”

“Ako dati sa ilog sa probinsya namin. Sarap na sarap kami sa pagligo/swimming nila ate, tapos meron part ng ilog punong–puno ng dumi tapos may pumwesto pa na matanda. Memories grabe.”

Ayon sa mga espesyalista, hindi nila iminumungkahi na maligo ang mga tao, lalo na ang mga bata, sa baha. Kasama sa pag–agos nito ang iba’t ibang mga kalat at dumi na makikita sa lansangan: mga basurang plastik, mga pinagbalatan ng prutas at gulay, mga panis na pagkain, at maging mga dumi ng hayop at tao ay maaaring magpalutang–lutang sa tubig.

Public Domain Image

Isa pa sa panganib na maaaring makuha sa paliligo sa tubig–baha ay ang iba’t ibang mga karamdaman tulad ng diarrhea at leptospirosis na nakukuha sa ihi ng daga.

Sa kabila nito, ang paliligo sa ulan at baha ay bahagi ng alaala ng ating pagkabata.