Grade 1 Wowowin contestant sa kanyang tatay: “Alagaan mo ‘yung mga manok”

Screenshot mula sa YouTube video ng Wowowin
  • Naaliw ang audience sa mensahe ng Grade 1 student sa kanyang ama 
  • Natuwa rin ang host na si Willie Revillame sa bibong si Ineng
  • Nag-uwi ng papremyo ang bata kasama ang bagong TV na regalo ng host kay Ineng

Kamakailan, kumalat sa social media ang mga memes na tila nagseselos ang mga anak sa “karibal” nila sa kanilang mga ama — ang mga alagang manok na panabong.

Ngunit kaiba sa mga nagseselos na anak sa mga alagang manok, concerned ang Grade 1 student at Wowowin contestant na si Ineng sa mga alagang manok ng kanyang ama at ibinilin pa on-air na huwag pababayaan ang mga ito.

Sa isang episode ng GMA variety game show na Wowowin, pinaligaya ng bibong si Ineng ang audience dahil sa prangkang pagsagot nito sa mga tanong ng host na si Willie Revillame.

Screenshot mula sa YouTube video ng Wowowin

Sa segment na Willie of Fortune naging contestant si Ineng at dito natanong ni Revillame ang mensahe ng batang kalahok sa kanyang ama na nanonood lamang sa TV at hindi nakasama sa studio.

Imbes na ang karaniwang mensahe ng pagmamahal ang ibigay ni Ineng sa kanyang tatay, ang naging bilin niya sa ama ay huwag pababayaan ang mga alaga nitong manok.

“Daddy, mahal na mahal kita. Alagaan mo ‘yung mga manok,” sabi ng umiiyak na si Ineng.

Tuwang-tuwa naman si Revillame, maging ang studio audience, sa mensahe ng bata. Kalaunan, naipaliwanag naman ng ina ni Ineng na sa isang manukan kasi nagtatrabaho ang tatay ni Ineng kaya ito ang naging mensahe ng bata.

Bago pa man patawanin ni Ineng ang mga tao sa studio sa kanyang pag-aalala sa mga manok, pinabilib na niya si Revillame sa umpisa ng kanilang interview. Sinabi ni Revillame na maaaring maging artista si Ineng; sabay tanong ng host kung naniniwala ba si Ineng kung maganda siya.

“Maganda ka ba?” tanong ni Revillame.

“Hindi po,” tahasang sagot ni Ineng na nagbigay ng tuwa sa mukha ng mga manonood.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Tinanong din ni Revillame kung mayroon bang gustong hingiin si Ineng sa kanya na walang pag-aalinlangan namang sinagot ng bata.

Gusto raw nitong humingi ng pera sa host para mayroon silang pambayad ng utang.

“Kahit 100…” sagot ni Ineng nang tanungin siya ni Revillame kung magkano ang gusto niyang ibigay ng host sa kanya.

Bandang huli, nag-uwi si Ineng ng 10,000 at telebisyon sa elimination round ng Willie of Fortune.

Source :

YouTube, Facebook