UV Express driver, nagsusumikap magmaneho sa kabila ng karamdaman

Imahe mula kay Janine Malagueno Pachoco via Facebook

Isang driver ng UV Express na nagngangalang Rodiniel Dalisay ang nagpamalas ng katatagan at determinasyon upang makapaghanap-buhay. Kumpara sa mga karaniwang driver ng mga pampublikong sasakyan, si Rodiniel ay may karamdaman kaya naman hindi maikakaila ang kapansin-pansin nitong mga kilos habang nagmamaneho.

Hapon ng Mayo 21 nang makasakay sa naturang UV express si Janine Malagueno Pachoco, ang Facebook user na nagpost ng tungkol sa nakahahabag na kalagayan ni Rodiniel. Bago niya ito kinunan ng litrato ay nagpaalam muna siya nang maayos.

Imahe mula kay Janine Malagueno Pachoco via Facebook

Ayon sa Facebook post ni Janine, taga Binangonan si kuyang driver subalit sa Pasig ito nakarehistro bilang botante. Siya ay tatlumpung taon nang driver at nitong nakaraang siyam na taon nang kanyang unang nalaman ang tungkol sa kanyang karamdaman.

Sa awa ng Diyos ay nakapagmamaneho pa naman si Rodiniel para sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya.

Batid naman niya na magkakaroon ng pangamba ang mga pasahero kung makita ang kalagayan niya, kaya nang siya ay tanungin kung ayos lang siya ay ipinakita niya ang kanyang driver’s license sabay sinabing huwag silang mag-alala sa pagmamaneho niya.

Napabilib ni Rodiniel si Janine at maging ang ibang pasahero nito dahil kitang-kita nila kung gaano siya kaingat magmaneho. “Kahit ganun siya kumilos ay napaka-ayos at (ang) smooth niya magmaneho, hindi katulad ng ibang driver na kaskasero sa kalsada,” ayon sa post ni Janine.

i-click ang imahe upang makita ang video na ibnahagi ng KMJS via Facebook

“Imbes na mag stay sa bahay, mas gusto niyang maghanap ng pagkakakitaan para sa asawa niya at sa dalawa niyang anak na babae. Kita ko kay kuya na the way siya mag kwento kahit ganun sitwasyon niya positibo pa din siya sa buhay niya, nakangiti lang siya at lagi niya sinasabi na inspirasyon niya ang family niya,” dagdag pa niya.

Naisipang ibahagi ni Janine sa social media ang tungkol kay Rodiniel dahil naaawa siya rito at nagbabakasakali siyang may tumulong na mabigyan ito ng mas ligtas na pagkakakitaan. Hangad din niyang may makapagbigay ng tulong sa pagpapagamot nito.

Marami ang naawa at napaiyak sa kuwento ni Rodiniel na tila Parkinson’s disease ang iniinda. Ang ilan ay nais magbigay ng tulong kaya kasalukuyan na siyang hinahanap.

Ibinahagi ng Kapuso Mo Jessica Soho ang video ni Rodiniel para sa nalalapit na Father’s Day.

Panawagan ni Janine, sana ay huwag mag-isip ng negatibo ang mga netizens, bagkus magkaisa upang matulungan ang natatanging driver dahil hindi naging hadlang ang kanyang karamdaman upang magampanan ang kanyang mga responsibilidad bilang isang ama.

Saludo kami sa ‘yo, Rodiniel!