‘Ukulele boy’ ng Cebu, hindi na sa mga lansangan tumutugtog




Mga imahe mula sa Facebook account nina TJ Clemente at Jonlie Cabradilla

Noong Marso, nag-viral sa social media ang batang nagpapatugtog ng ukulele sa mga lansangan ng Cebu upang matustusan ang kaniyang pag-aaral at madagdagan ang pangkain ng kaniyang pamilya.

Ang social media post ay ibinahagi ni TJ Clemente sa Facebook na naging dahilan upang makilala ng mga netizens ang batang si Jonlie “Tongli” Cabradilla ng Talisay City. Maraming tulong ang dumating sa buhay ng kaniyang pamilya.

Nabigyan din siya ng pagkakataon na makapagtanghal sa musical variety show na ASAP noong Marso at nakilala pa ang mga Kapamilya stars tulad nina James Reid, Regine Velasquez, at Billy Crawford.

Mula noon ay nagbago ang buhay ng kaniyang pamilya.

Ayon sa report ng Cebu Daily News, si Tongli ay hindi na sa mga lansangan ng Lapu-Lapu City o ng Cebu City. Naging resident musician na siya sa Yap-Sandiego Ancestral House.

Imahe mula sa Facebook account ni Jonlie Cabradilla

Ayon sa naging panayam sa nanay ni Tongli, pinatigil nila si Tongli sa paglalakad at pagpapatugtog sa mga lansangan dahil natatakot silang baka may mga taong umabuso sa bata.

Sa kasalukuyan, nabigyan ng trabaho si Tongli sa Yap-Sandiego Ancestral House bilang tagapagtugtog ng ukulele sa mga bisita. Naroon siya tuwing Sabado at Linggo mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Ayon pa sa paliwanag ng ina, nabigyan ng pagkakataon doon si Tongli dahil ipinakilala ito ng  pinsang nagtitinda ng mga ibon sa Magallanes na nagkataong suki ang nagmamay-ari ng ancestral house.

Nagustuhan umano nila ang pagtugtog ni Tongli kaya binigyan nila ito ng chance na magtanghal sa ancestral house nang sa gayon ay matulungan na rin ang kanilang pamilya.

Imahe mula sa Facebook page ng Yap-Sandiego Ancestral House

Si Tongli ay pangalawa sa anim na magkakapatid. Nagsusumikap siyang makapag-aral habang nagpapatugtog ng ukulele.

Ang 12-taong-gulang na si Tongli ay isang Grade 4 student. Ang kaniyang ama ay isang habal-habal driver habang ang kaniyang ina ay isang labandera. Dati-rati ay dumarayo pa sila sa Mactan Island tuwing Sabado at Linggo para makapaghanap ng pagkakakitaan.

God bless sa iyo, Tongli.