Super tatay na PWD, patuloy na hinahangaan dahil sa kanyang determinasyon sa kabila ng kondisyon




Larawan mula sa Facebook account ni Letlet Lector
  • Hinangaan ang isang PWD dahil sa pagsusumikap nito na makapaghanapbuhay sa kabila ng kondisyon
  • Naglalako ng iba’t ibang gulay si George Belarmino sakay ng kanyang tricycle sa Tiaong, Quezon
  • Patunay umano si Belarmino na walang hahadlang sa naisin ng isang taong maging produktibong bahagi ng lipunan

Kung marami sa atin ay tinatamad bumangon at magbanat ng buto kung minsan, isang person with disability (PWD) naman ang patuloy na kumakayod at nagbebenta ng gulay upang mayroong ipangtustos sa kanyang pamilya.

Ibinahagi ng netizen na si Letlet Lector ang mga larawan at bidyo ni George Belarmino habang ibinebenta ang mga gulay na sakay ng kanyang tricycle. Nagkaroon ng karamdaman si Belarmino at hindi maigalaw ang kanyang katawan mula baywang pababa.

Super Tatay

Marahil ay naaalala ninyo pa siya. Siya ‘yung nag-viral taong 2017 at ipinalabas pa sa Maalaala Mo Kaya (MMK) ang kuwento ng kanyang buhay na labis na naghatid ng inspirasyon.

Larawan mula sa Facebook account ni Letlet Lector

Pagkalipas ng dalawang taon, narito at minamanehong muli ni Belarmino ang kanyang tricycle habang sakay nito ang iba’t ibang gulay at prutas na inilalako niya sa Tiaong, Quezon.

Ayon sa post ni Lector, sandaling nahinto sa pagtitinda si Belarmino kaya naman itinuturing nilang isang malaking pagbabalik ang muling pagtitinda ng tinagurian nilang “super tatay.”

“Kuya George—ang muling pagbabalik. Sa mga mamimili po ng panghanda sa fiesta o sa lulutuin/kakainin n’yo sa pang-araw-araw, mag-iikot po si Kuya George Belarmino ngayon sa bayan para magtinda ng gulay,” pahayag ni Lector na ibinahagi rin ng Facebook page na Tara na sa Lalawigan ng Quezon.

Dagdag pa ni Lector, si Belarmino raw ay isang malaking patunay na hindi hadlang ang kondisyon natin sa buhay upang maging kapaki-pakinabang na bahagi ng ating lipunan.

Iba’t iba ang sakay na gulay ni Belarmino sa kanyang tricycle katulad ng carrots, sayote, sibuyas, bawang, repolyo, at patatas.

Suportado rin ng samahang Sikkap PWD Tiaong ang negosyong ito ni Belarmino na nangangalaga sa karapatan ng mga taong mayroong kondisyon o disability.

Larawan mula sa Facebook account ni Letlet Lector

Hinangaan naman ng mga netizen ang pagsusumikap na ito ni Belarmino at bilang pagsuporta sa hanapbuhay niya, marami sa kanila ang nais bumili ng produkto ng masikap na PWD. Ayon sa ilang netizen, aabangan daw nila ang pagdaan ni Belarmino sa kanilang lugar upang makabili sa matanda.

Marami rin ang nagpaabot ng pagsaludo sa pagsusumikap ni Belarmino at hiniling na sana ay manatili siyang malusog upang patuloy na makapagbigay ng inspirasyon sa mga taong nakasasalamuha niya sa araw-araw na pagbabanat ng buto.