Picture perfect: Larawan ng couple na mayroong background na kalangitan at bituin, kinakiligan ng netizens

Larawan mula sa Facebook account ng Philippine Astronomical Society, Inc., at Pexels

Uso ngayon ang pagkuha ng mga larawan ng magsing-irog na mayroong magandang background para kaaya-ayang i-upload sa kani-kanilang social media accounts.

Karamihan sa mga couples na ito ay dumarayo pa sa iba’t ibang lugar, tulad ng parke, beach, o maging sa mga museo para makakuha ng mga ‘Instagrammable’ images na dagdag sa kanilang magagandang alaala.

Narito at trending ngayon sa social media ang isang couple na hindi nag-akala na magkakaroon sila ng romantikong larawan sa ilalim ng mga bituin dahil ang plano lamang nila ay mag-camping at stargazing.

Larawan mula sa Facebook account ng Philippine Astronomical Society, Inc.

Makikita sa Facebook post ng Philippine Astronomical Society, Inc. (PAS) ang larawan ng magkasintahang mayroong ‘postcard-like’ view na kalangitang puno ng bituin na kinakikiligan ngayon ng mga netizen.

Ayon sa PAS at sa kumuha ng larawan na si Bryan Mistola, hindi sinasadyang makuhanan ang larawang ito ng dalawa dahil nagka-camping lamang sila upang makita ang mga Jupiter at Saturn na mas malapit sa ating daigdig nang mga oras na iyon.

Inimbitahan lamang daw nila ang magkasintahan upang gamitin ang kanilang mas advanced na telescope upang mas makita ang mga planeta sa kalangitan.

“They say that the best things in life happen unexpectedly, and this couple didn’t plan to have this photo taken until they met several members of PAS this weekend. They happen to be at the same campsite and were happily invited to take a closer look at Jupiter and Saturn through our telescopes, while they also learn something about the universe,” sabi ng post ng PAS.

Dahil maganda ang view, minarapat ng dalawa na magpakuha ng larawan. Inaayos daw ni Mistola ang framing nang biruin niya ang dalawa na kung maaaring mag-kiss sila at huwag gagalaw ng 30 seconds.

Magiliw naman daw na sumunod ang dalawa at nag-kiss nga sa buong 30 segundo at dito na nakuhanan ang romantikong larawan nilang itatago nila habambuhay.

Larawan mula sa Pexels

Nakilala ang couple nang magkahiwalay silang nagkomento sa post ng PAS at nagpapasalamat sa hindi malilumutang karanasan nila kasama ang grupo.

Kanya-kanyang tag naman ang mga netizens sa kanilang mga karelasyon upang ibahagi ang romatikong larawan at tila sinasabing gusto rin nila ng katulad niyon.